MAGPASA NG SALIKSIK: UNANG BIRTUWAL NA PANDAIGDIGANG KUMPERENSIYA SA PAGTUTURO NG FILIPINO BILANG PANGALAWANG WIKA
Malugod na inaanyayahan ng Unibersidad ng Santo Tomas Departamento ng Filipino at University of Hawaii at Hilo ang mga akademiko, guro, iskolar, lingguwista, advocate, opisyal ng mga ahensiyang pang-edukasyon at pangwika, tagabalangkas ng polisiya, at iba pang stakeholders sa loob at labas ng bansa sa Unang Pandaigdigang Kumperensiya sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika na gaganapin sa Hunyo 17-19 sa pamamagitan ng Zoom.
Ito ay mula sa anunsiyo ni Prop. Alvin Ringgo C. Reyes ng UST Filipino, noong Pebrero 22.
Layon ng kumperensiya na matalakay ang mga kalakaran, isyu, at hamon sa pagtuturo ng Filipino bilang pangalawang wika sa mga estudyanteng Filipino at di-Filipino, makapaglatag ng adyenda sa pagtuturo at pagkatuto ng Filipino bilang pangalawang wika na magiging batayan ng mga saliksik at polisiya, at makabuo ng isang network ng mga iskolar na magsusulong ng larang ng pagtuturo ng Filipino bilang pangalawang wika.
Labing-dalawang taapagsalita mula sa loob at labas ng Filipinas ang dadalo sa pamplenaryong talakayan ng kumperensiya.
Mula sa Filipinas, nariyan sina Komisyon sa Wikang Filipino Komisyoner Arthur Casanova, Prop. Jose Wendell Capili (Unibersidad ng Pilipinas), Shirley Dita (Pamantasang De La Salle), Ivie Esteban (Mindanao State University – Iligan Institute of Technology), Wennielyn Fajilan (UST), at Christian George Francisco (Pamantasang De La Salle).
Mula sa ibayong dagat, nariyan sina Pia Arboleda (UH Manoa), Joi Barrios-LeBlanc (University of California Berkeley), Edith Borbon (University of San Francisco), Nenita Pambid Domingo (UC Los Angeles), Rodney Jubilado (UH Hilo), at Cristina Martinez-Juan (SOAS University of London).
Tinatanggap sa kumperensiya ang pagsusumite ng mga papel na nakatukon sa alinman sa sumusunod na mga paksa:
- Ang Pagtuturo at Pagkatuto ng Filipino bilang Pangalawang Wika (FSL)
- Kurikulum at Pagtuturo sa FSL
- Pagtataya sa/ng FSL
- Gramatikang Filipino
- Lingguwistikang Filipino
- Bokabularyo at Leksikolohiyang Filipino
- Panitikang Filipino
- Filipinong Identidad
- Wikang Filipino at Social Media
- Retorikang Filipino
- Filipino sa mga Rehiyon
- Filipino sa Ibayong Dagat
- Mga Isyu sa Pagtuturo at Pagkatuto ng Filipino bilang Pangalawang Wika
- Mga Kaugnay na Disiplina
- Pagpaplano at Patakarang Pangwika
- Araling Salin
- Mga Katutubong Kultura sa Filipinas
- Mga Katutubong Panitikan sa Filipinas
- Diskursong Filipino
- Filipino at Multilingguwalismo
- Filipinong Pananaw Pandaigdig
- Mga Adbokasiya sa Wikang Filipino
- Literasi at Batayang Edukasyon
- Mga Kasalukuyang Isyu sa Pedagohiyang Filipino
Hanggang Marso 31 tatanggap ng mga papel ang mga tagapangasiwa ng kumperensiya.
Kung mayroong mga katanungan ay maaaring makipag-ugnayan sa [email protected].