#KABATAANSAHALALAN: COMELEC OFFICE HOURS EXTENDED NA!
Simula Pebrero 20, ang lahat ng Commission on Elections Offices sa buong Filipinas ay tatanggap na ng voter registration application mula Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 5 n.h.
Ito ay mula sa video message ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon noong Sabado, Pebrero 6.
“Ito na, sure na sure na talaga ito. Starting February 20, from 8 o’clock to 5 o’clock ang voter registration. May Sabado na! Tuesday to Saturday,” ani Guanzon.
“So, wala na kayong excuses diyan mga bata. ‘Yung mga magiging 18 years old [on or before] May 9, 2022. Mag-register na kayo, please. Kaya ginawang hanggang Saturday ang voter registration para talaga sa inyo,” dagdag niya.
Hanggang Setyembre 30 ang rehistrasyon at ayon sa Comelec ay hindi na ito maie-extend pa.
Paalala na ang mga nakaboto noong nakaraang Sangguniang Kabataan elections ay hindi na kailangang muling magpasa ng dokumento. Awtomatiko na silang maibibilang sa mga kalipikadong botante sa 2022.
Abangan din ang #KabataanSaHalalan Voter Education Webinar Series ng The Philippine Online Student Tambayan para sa malalimang talakayan tungkol sa darating na halalan.
Paano magparehistro?
Sang-ayon sa Resolution 10647 ng Commission on Elections, ang voting registration para sa Eleksiyon 2021 ay sinimulang buksan sa buong Filipinas noong Setyembre 1, 2020 liban sa mga lugar na nananatiling nasa Enhanced Community Quarantine o Modified Enhanced Community Quarantine.
Narito ang mga paalala sa kung paano makapagpaparehistro:
- Tiyakin na ikaw ay kalipikado. Ang botanteng Filipino ay nararapat na Filipino citizen, at least 18 years old bago o sa mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022, residente ng Filipinas nang hindi bababa sa isang taon, at residente ng lungsod o bayan na pagbobotohan nang hindi bababa sa 6 na buwan. Ang mga nakaboto sa nagdaang SK elections ay hindi kailangang muling magparehistro.
- Gumising nang maaga. Ang Comelec ay handang tumanggap ng mga magpaparehistro tuwing Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 3 n.h. (Simula Pebrero 20 ay hanggang 5 n.h. na ito).
- I-fillout ang online registration form sa iRehistro: https://irehistro.comelec.gov.ph/. Tatlong ulit itong i-print sa 8.5×13” na papel at dalhin sa pinakamalapit na Comelec. Pirmahan ang pormularyo sa harap ng Election Officer.
- Bagaman hindi naman kailangan, mainam pa ring magdala ng katibayan na ikaw ay 18 taong-gulang sa araw ng halalan – birth certificate at/o valid ID.
- Bitbit ang sariling bolpen, pumunta sa inyong Local Commission on Elections Office. Kadalasang ito ay matatagpuan malapit sa munisipyo o city hall.
- No Face Mask and Face Shield – No Registration. Magsuot ng face mask at face shield. Mag-alcohol at pirmahan ang health declaration form na makukuha sa security guard. Sundin ang dalawang metrong social distancing.
- Pumila at magpa-biometrics. Kapag tinawag na sa window, kailangan mong panandaliang hubarin ang face mask at face shield para makunan ka ng retrato. Matapos nito’y kukunan ka rin ng biometrics gaya ng fingerprint at signature specimen.
- Hintayin ang iyong voter slip. Pagkakuha nito’y maaari ka nang bumalik sa inyong tahanan.
- Subaybayan ang #KabataanSaHalaan Election Campaign ng The Philippine Online Student Tambayan (thepost.net.ph) para mabatid ang mga update hinggil sa eleksiyon at para malaman ang mga detalye sa kung paano maririnig ng taumbayan ang boses ng mga kabataan sa halalan.
#KabataanSaHalalan
‘Youth Vote’ ang sinasabing may kakayahang makapagpabago ng resulta ng eleksiyon sa Filipinas. Kabataan kasi ang pinakamalaki at pinakaaktibong hanay ng mga botante taon-taon. Sa katunayan, nito lamang 2019, 18.8 milyon ang bilang ng mga botanteng edad 18-24 at 19.9 milyon naman ang edad 30-44. Higit 60% ito ng 61.8 milyong populasyong rehistrado.
Nakaatang sa ating mga balikat ang kinabukasan ng lipunan at isang taon na lamang ay pipili na naman tayo ng bagong set ng mga lider na pagkakatiwalaan nating makapagpapaunlad ng ating kalagayan bilang mga Filipino.
Malaking kapangyarihan, malaking responsibilidad. Kaya ngayon pa lamang ay kailangan na nating maghanda. Mag-aral, magbasa, mangarap sa bansang Filipinas. Simulan natin ito sa pagrerehistro upang sabay-sabay nating maisigaw ang boto ng mga #KabataanSaHalalan.