VERTICAL HOUSING PARA SA PUPIANS IPATATAYO NG MANILA GOV’T
INANUNSIYO ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na balak ng siyudad na magpatayo ng in-city vertical housing para sa mga empleyado at dormers ng Polytechnic University of the Philippines, informal settlers, at mga nangungupahan sa lungsod.
Sa isang Facebook post, nakipagpulong ang alkalde kay PUP President Manuel Muhi, na isa ring inhinyero, upang talakayin ang nasabing proyekto.
“Pagpapagawa ng in-city vertical housing para sa mga empleado ng Polytechnic University of the Philippines, mga Informal Settler Families (ISFs) pati posibleng benepisyaryo ang mga nangungupahan sa Lungsod ng Maynila, ang tinalakay po natin sa mga opisyal ng PUP sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Dr Bong Muhi,” sabi ni Domagoso sa kaniyang Facebook post.
Nais ng alkalde na ang magiging disenyo ng housing ay katulad sa Tondominium at Binondominium na kasalukuyang itinatayo.
“Nabangit po natin sa mga taga-PUP na ang modelo ng housing project na nais natin para sa kanila ay katulad ng sa Tondominium at Binondominium, na puspusang itinatayo na ngayon, na may 42 square meters ang laki at may dalawang kuwarto,” ayon pa sa alkalde.
Balak din ng alkade na maglaan ng ilang units sa housing para sa mga estudyante ng PUP na nangungupahan sa mga dormitoryo.
Sa ngayon ay hindi pa inaanunsiyo ng alkalde ang mga espisipikong detalye kung saan balak ipatayo ang nasabing proyekto.