Overtime

UAAP: TWICE-TO-BEAT BONUS SA UP

Standings NU 11 2 UP 10 3 UST 7 5 DLSU 6 6 AdU 6 7 Ateneo 5 7 FEU 5 7 UE 0 13 Mga laro sa Sabado: (Smart Araneta Coliseum) 1:30 p.m. – FEU vs UE 4:30 p.m. – UP vs DLSU

20 November 2025

NAG-INIT ang opensa ni Gerry Abadiano sa final canto upang igiya ang University of the Philippines Fighting Maroons sa  79-75 panalo kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Matapos na malamangan ng hanggang 16 puntos ng Blue Eagles, unti-unting nakabawi ang Fighting Maroons hanggang sa makuha ang 60-58 kalamangan sa likod ng apat na sunod na baskets ni Abadiano.

Makaraang itabla ng Blue Eagles sa huling pagkakataon ang laro sa 60-all, kumawala ang Fighting Maroons sa pangunguna nina Francis Nnoruka at Abadiano upang selyuhan ang twice-to-beat incentive.

Nanguna si Abadiano para sa Fighting Maroons sa kanyang 18 puntos, 16 dito ay ibinagsak niya sa fourth quarter, habang may double-double na 17 puntos at 15 rebounds si Nnoruka. Angat sila sa 10-3 marka.

Bumida si Jared Bahay sa kanyang 21 puntos para sa Blue Eagles, habang sina Kymani Ladi at Shawn Tuano ay may 17 at 10 marka, ayon sa pagkakasunod. Laglag sila sa 6-7 kartada.

Samantala, nanatiling buhay sa Final Four race ang Adamson University Falcons matapos na itakas ang come-from-behind na 61-60 panalo kontra De La Salle University Green Archers.

Matapos na mapag-iwanan sa 45-50 sa pagtatapos ng third quarter, umarangkada ang Falcons sa fourth quarter sa likod nina Matthew Erolon, Cedrick Manzano, at AJ Fransman para sa 61-55 abante.

Sumagot ang Green Archers ng isang two-pointer mula kay Jacob Cortez at tres mula kay Earl Abadam upang ibaba ang hinahabol sa 60-61. May tsansa pa ang DLSU na agawin ang panalo ngunit mintis ang buzzer-beater ni Abadam.

Nagbida si Erolon para sa Falcons sa kanyang 18 puntos, kabilang ang limang three-pointers, nagdagdag si Manzano ng 15 puntos at 9 rebounds, habang may 10 puntos naman si Montebon.