Overtime

NCAA: THREE-PEAT BID MAINIT NA SINIMULAN NG LADY BLAZERS

MAINIT na sinimulan ng defending champion De La Salle-College of Saint Benilde ang kanilang three-peat bid makaraang dispatsahin ng Emilio Aguinaldo College, 25-15, 25-14, 25-23, sa NCAA Season 99 women's volleyball tournament nitong Linggo sa FilOil EcoOil Centre.

8 April 2024

MAINIT na sinimulan ng defending champion De La Salle-College of Saint Benilde ang kanilang three-peat bid makaraang dispatsahin ng Emilio Aguinaldo College, 25-15, 25-14, 25-23, sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament nitong Linggo sa FilOil EcoOil Centre.

Pinalawig din ng Lady Blazers ang kanilang winning streak sa 30 mula pa sa hindi natapos na Season 95 noong 2020.

Gayunman ay kinailangan ng Lady Blazers na malusutan ang pananalasa sa third set ng Lady Generals tungo sa panalo.

Isang attack error ni Krizzia Reyes ang nagbigay sa Benilde ng 19-17 bentahe bago bumanat ang tropa ni EAC head coach Rod Palmero ng krusyal na 5-1 run upang kunin ang 22-20 lead.

Gayunman ay tumugon si Gayle Pascual upang mamayani ang Benilde sa huli.

Umiskor ang veteran opposite hitter ng back-to-back points, kabilang ang isang service ace na nagtabla sa talaan sa 22-22, subalit nalusutan ni Reyes ang mga blocker upang mabawi ang one-point cushion para sa EAC.

Gayunman, isang net error ng Lady Generals na sinundan ng attack error mula kay Alessandra Razonable ang nagbigay-daan upang makumpleto ng Benilde ang panalo na tinampukan din ng pagbabalik ni dating MVP Mycah Go.

Nanguna si middle blocker Michelle Gamit sa lahat ng scorers na may 10 points habang umiskor sina Pascual, Wielyn Estoque, at Jade Gentapa ng tig-8 points.

Sa iba pang laro, sinandigan nina reigning MVP Mary Rhose Dapol at sophomore star Shaila Omipon ang University of Perpetual Help System DALTA sa 25-14, 25-14, 25-21 panalo kontra Jose Rizal University.

Nagbuhos si Dapol ng 16 points habang nagtala si Omipon, ang top rookie noong nakaraang season, ng 15 markers mula sa 14 attacks at 1 service ace para sa Lady Altas na sinamahan ang De La Salle-College of Saint Benilde sa maagang liderato sa 1-0.