Overtime

LADY ALTAS TOP SEED SA GROUP A SA NCAA VOLLEY

9 March 2026

INANGKIN ng University of Perpetual Help Lady Altas ang top seed sa Group A ng NCAA Season 101 women’s volleyball tournament matapos pataubin ang Mapua University Lady Cardinals, 25-20, 21-25, 25-22, 20-25, 15-6, kahapon sa San Andres Sports Complex sa Maynila.

Nakabawi ang Lady Altas sa deciding set matapos mahirapan sa ikalawa at ikaapat na set.

Pinangunahan nina Cy Almeniana at Jem Menor ang isang krusyal na ratsada na nagbigay-daan upang tuluyang makalayo ang Perpetual at maselyuhan ang panalo.

Sa tagumpay, umangat ang Perpetual sa 11-2, sapat upang tiyakin ang No. 1 seed sa Group A. Bumagsak naman ang Mapua sa 5-7 marka.

Namuno sa opensa ng Lady Altas si Almeniana na kumamada ng 28 puntos, kabilang ang lima sa final set. Nag-ambag si Menor ng 14 puntos habang may 13 puntos si Camille Bustamante.

Mabilis na kinuha ng Perpetual ang kontrol sa ikalimang set matapos na bumanat ng 6-0 run na tinampukan ng dalawang sunod na atake ni Almeniana. Dinagdagan pa ito ni Menor ng dalawang kills upang palobohin ang kalamangan sa 10-3.

Nagbigay rin ng mahalagang block si Geraldine Palacio laban kay Franchesca Esteban upang itaas ang lamang sa 13-5 bago tuluyang tapusin ni Almeniana ang laban sa magkasunod na puntos.

Pinangunahan naman ni rookie Alexander Leabres at veteran opposite hitter Raissa Ricablanca ang Mapua matapos parehong makapagtala ng 18 puntos. Nag-ambag  si Freighanne Garcia ng 14 puntos sa talo.

Samantala, ipinagpatuloy ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang kanilang walang talong kampanya matapos walisin ang San Beda University Lady Red Spikers, 25-18, 25-18, 25-21.

Nagtala si Judiel Nitura ng 18 puntos at itinanghal na Player of the Game upang panatilihing malinis ang rekord ng Lady Knights sa Group B sa 13-0, habang bumagsak sa 9-4 ang Lady Red Spikers.