Letters of Youth

ISANG TAON

/ 23 May 2021

Isang taon mula ngayon

tayo’y magsasaya’t kakanta

magkakanda-putok batok sa balat ng lechon halos mabingi sa

yapak ng bisita

 

Isang taon mula ngayon

maghahalungkat nang maisusuot

magrereklamo sa ‘di makitang pares ng sapatos

at bulubundukin na damit

na walang oras gibain

 

Isang taon mula ngayon

mag-aabot na

ang daliri ng isa’t isa

isasang-tabi ang mga maskarang

nilulunod ang mga mata

 

Ngayon, isang taon na

ngunit walang tumatawa

walang kumakanta

nakakabingi na ang patak

ng gripo tuwing umaga

 

Isang taon na’ng nakalipas

kumakapal na ang alikabok

na bumabalot sa bundok

ang nahanap na kapares

di na uso sa darating na miyerkules

 

Isang taon na

ano na?

di na matanggal

ang bakas ng maskara

manhid na ang kamay

at paa ubos na ang dugong luha

 

Ubos na

wala na

paano na?

Isang taon na ang nakalipas

 

Isang taon na ang nawala

Pero tayo ay muling

nasa simula