Columns

CLASS SUSPENSIONS, SAHOD, AT PAGPAPAPOGI SA MAYNILA

Hindi ba alam ni Isko na ”no work, no pay” ang mayorya ng faculty sa college? Sa tuwing walang pasok, wala ring sinasahod ang mga guro. Madali para sa kaniya (at para sa mga estudyante) na agarang magsuspinde ng klase without thinking na libo-libong guro ang mawawalan ng hanapbuhay sa gitna ng lumalalang krisis sa Filipinas. Ilang pamilya kaya ang hindi muna kakain kasi yung nanay o tatay nilang guro e wala munang sasahurin?

/ 14 January 2022

Binatikos ni presidential aspirant and Manila Mayor Isko Moreno ang University of the East nang hindi ito kaagad sumunod sa suspensiyon ng klase sa kolehiyo.

Kahapon, Enero 14, nagdeklara ng city-wide academic health break si Isko dulot ng papataas na kaso ng COVID sa lungsod at sa Filipinas. Aniya, walang pasok sa lahat ng antas hanggang January 21 upang makapagpahinga ang mga mag-aaral at magkaroon ng oras sa paghahanda at pagbabakuna.

Subalit, gaya ng laging nangyayari e hindi agad sumunod dito ang UE. Tanging mga klase sa basic education ang sinuspinde ni UE President Ester Garcia dahil aniya, kokonsulta muna siya sa CHED at bukas, Enero 15, siya magbababa ng pinal na desisyon kung tutuloy o hihinto ang pasok sa kolehiyo.

Naghimutok ang mga mag-aaral at nagsumbong kay Isko. Yamang kandidato sa pagkapangulo at “nagpapapogi” sa mga botante ay dali-dali siyang nanampal ng show cause order sa naturang pamantasan. Sa liham idiniin ni Isko, sa ngalan ng kaniyang kalihim, kung gaano kahalaga ang physical and mental recharge, gayundin ang recovery ng mga natamaan ng virus at ipinagpapaliwanag ang UE kung bakit hindi ito sumusunod sa kaniyang utos.

Hindi pa riyan nagtatapos ang eksena. Kaniya pang pinutakan sa Facebook Live si Ester. Pinagbantaan niya ang UE na ipasasara at tatanggalan ng permit kung hindi magsususpinde ng klase.

Sa kung bakit ganito ang paghihimutok ni Isko ay dahil aniya, “responsibilidad po ng alkalde ng lungsod na mapangalagaan ang kaligtasan ng kaniyang sinasakupan at nasasakupan nitong mamamayan.”

Palagay ng presidential aspirant ay mapangangalagaan niya ang kaligtasan ng kaniyang nasasakupan kapag nagpataw siya ng isang linggong class cancellation na pakiwari ko’y isang pagkakamali. Bagaman relatibong “healthy” ang health break, hindi naman natin ito kailangan ngayon datapuwa’t dalawang bagay lamang ang Enero sa academic calendar ng Philippine schools – either simula ng bago o pagpapatuloy ng patapos nang semestre. Anuman dito ang sinusunod ng pamantasan, tiyak kong hindi nila kailangan ng health break.

Kung magsisimula pa lang, mainam. Oryentasyon pa kasi. O baka enrollment period. Magbibigay lang ng silabus, maghahanda para sa ilang mga asynchronous na gawain, magkukumustahan, at magpapalagayang-loob. Sa madaling sabi, magaan ang linggo. Walang mabigat na gawain, walang dedlayn. Mainam pa nga ang kumustahan dahil mababatid ng guro kung sino sa mga estudyante niya ang dapat tutukan at bigyang konsiderasyon dahil may sakit, nawalan ng hanapbuhay, walang gadget at internet, at iba pang sirkumstansiyang dapat malaman.

Kung patapos naman na ang semestre, mainam din. Ibig sabihin, nagkokompleto pa ng mga pinal na kahingian o mag-iiskedyul ng pagsusulit. May simpatiya ang mga guro at kilala na niya ang kaniyang mga estudyante kaya tiyak na may adjustments. Sa UP, may opsiyon kaming mga instruktor na iremodelo ang requirement – isuspinde, palawigin ang dedlayn, bawasan ang rubrik, at marami pang malikhaing hakbang na kahit na may tweaking ay hindi masasawalang-bahala sa academic competence na dapat taglayin ng estudyante bago magwakas ang kurso.

Anuman sa dalawang scenario, hindi kailangan ng health break. Ang higit na mainam ay diskusiyon tungkol sa dedlayn, kumustahan, at suspensiyon ng face-to-face classes (diin sa face-to-face at hindi sa online instructions). Pero isang linggong walang usad? Bakit at para saan?

Kapag walang pasok, lugi ang estudyante. Binayaran na niya nang buo ang tuition pero hindi niya buong nakukuha ang kaalamang dapat mayroon siya sapagkat isinasarang pilit pati ang paaralang online. Pumapatak na sa higit P1,500 ang kada yunit sa kolehiyo. Isang linggo o tatlong oras kada klase ang kakaltasin sa health break ni Isko– tatlong oras ng pag-aaral at tatlong oras ng tuition ang mawawala. Hindi naman ire-refund. In short, lugi! Para kang bumili ng damit sa Shopee na hindi naman darating forever.

Dagdag pa, wala rin namang magbabago kung mayroong pasok o wala. Mayroong kani-kaniyang patakaran ang mga paaralan sa kung paano nila mapangangalagaan ang kanilang mga mag-aaral. Ako, batay mismo sa karanasan ko, sa UP walang singko. Puwede magboluntaryo ang bata sa INC grade kung hindi niya kayang tapusin ang mga kahingian ng kurso. Puwede ring mag-iskedyul ng konsultasyon at kumustahan kung kinakailangan. Puwedeng mag-mediate ang guro sa mag-aaral para sa ikabubuti nito. Hindi pa nagsususpinde ng klase, ginagawa na ang “healthy” discussion at “healthy break”. Healthy kahit walang one-week class suspension.

At marahil, ito ang punto ko pati: Kapag walang pasok, walang sahod ang mga guro.

Mayorya ng faculty members sa kolehiyo ay “no work, no pay”. Sa tuwing walang pasok, walang sahod ang mga guro. Sa kaso ng Maynila, isang linggong mawawalan ng rekurso ang libo-libong pamilya dahil walang pasok.

Ang instruktor sa PUP ay sumasahod lamang ng P160~ kada oras. May ilang mga pribadong paaralang nagpapasahod ng P80~ kada oras (ispesipiko ito sa maliliit na technical-vocational schools). Ako, batay muli sa aking karanasan, nakapagturo ako sa eskuwelahang P250~ kada oras ang sahod. Masuwerte na iyan. Malaki na iyan kumpara sa iba. But still, “no work, no pay.”

Walang sahod hindi lang sa mga mabilisang suspensiyon. Wala ring pasok kapag holiday. Kapag may sakit ang guro, wala ring sahod. Ni ayuda, wala. Irereklamo pa nga ng estudyante kasi “hindi na naman pumasok si ma’am at sir”. At sa hourly rate ng guro kasama na ang internet at gadget, pati everyday overtime kapag kailangang maghanda ng lesson at mag-check ng exams. Katiting, di ba? Pero, katiting na nga, aalisin pa dahil sa walang rasyonal na city-wide “health break.”

Sabi ni Isko, responsibilidad niya bilang alcalde na alagaan ang kaniyang nasasakupan. Sa pagdedeklara niya ng suspensiyon, naalagaan ba niya ang libo-libong pamilya ng mga gurong mawawalan ng sahod? Paano sila mabubuhay sa isang linggo sa gitna ng pandemya? Naalagaan ba niya ang mga estudyanteng nagbabayad ng matrikula? Mare-refund ba ang GoSurf50 ng estudyante sapagkat hindi pala muna magagamit hanggang Enero 21?

May isa pang kumakalat na bidyo. Tinatanong dito ni Isko kung bakit pa raw pinag-eenroll ng mga magulang ang kanilang mga anak sa UE. Hindi naman marunong sumunod sa pamahalaan at nagpapasakit pa sa buhay ng mga mag-aaral. May litanya pa nga siya. “Magsara na po kayo,” kung hindi susunod sa suspensiyon at sa tagubilin ng City Hall.

Alam ba ni Isko ang kaniyang sinasabi? Batid niya bang ang pananakot niya ay aktuwal na magdudulot ng pagbaba ng bilang ng enrollees sa UE? Malala pa’y ang pagsasara ng UE ay pagkawala ng hanapbuhay hindi lamang ng mga guro kundi ng mga staff nito.

Ganito ba ang paraan niya ng “pangangalaga sa nasasakupan ng lungsod ng Maynila”?

Pinag-isipan ba ang agarang pagsususpinde ng klase? Ang akin lang, laliman nawa ang critical thinking. Huwag puro panakot at bunganga.