Region

KLASE SA BICOL SINUSPINDE DAHIL SA SAMA NG PANAHON

/ 28 January 2023

ILANG lokal na pamahalaan sa rehiyon ng Bicol ang nagsuspinde ng klase nitong Biyernes, Enero 27, dahil sa mga pag-ulan na dala ng northeast monsoon at shear line.

Sa bayan ng Virac sa lalawigan ng Catanduanes, sinuspinde ni Mayor Samuel Laynes ang klase sa pre-school at elementarya sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Sa Sorsogon City, ipinag-utos din ni Mayor Ester Hamor ang suspensiyon ng klase sa elementarya at high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Sa bayan ng Bato sa Camarines Sur, pansamantalang isinara ang spillway na nagdurugtong sa mga barangay ng San Vicente at Bacolod dahil sa pagbaha.

Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration sa isang advisory na nakaranas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang Sorsogon, Camarines Sur, at Albay.