Region

GRADE 10 STUDENT NA SUMAGIP SA ASONG NA-TRAP SA ILOG GINANTIMPALAAN NG SCHOLARSHIP

/ 8 August 2021

BINIGYAN ng scholarship ng Animal Kingdom Foundation ang isang Grade 10 student matapos nitong iligtas ang isang aso na inanod at na-trap sa isang ilog sa Biñan, Laguna.

Ayon sa organisasyon, ito ay bilang pagkilala sa “bravery and compassion” ni Angelo Flores sa pagsagip sa asong nasa peligro.

Nasa kasagsagan ng ulan at patuloy ang pagtaas ng tubig noon sa Binan nang mahulog sa creek ang aso at tinangay ng agos bago sumabit sa kawad at mga damo.

Pero bago pa malunod ang aso ay mabilis siyang sinaklolohan ni Flores na maingat na binaybay ang gilid ng ilog hanggang sa maabot niya ang kinaroroonan ng aso.

Binigyang-diin ng organisasyon na bayaning maituturing si Angelo na dapat tularan ng iba sa pagtulong sa mga hayop.