Region

DATING PROFESSOR PATAY SA SUNOG SA ISABELA

/ 27 April 2021

PATAY ang isang dating propesora at kasalukuyang consultant sa isang unibersidad makaraang ma-trap sa nasusunog nitong bahay sa Purok 6, Barangay Caloocan, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Nelda Tubay, 67, walang asawa.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection-Santiago, hinihinalang lampara ang pinagmulan ng malaking apoy na tumupok sa bahay ng biktima.

Sinabi ni Senior Fire Officer 2 William P. Peralta ng BFP Santiago City na alas-8:45 ng gabi nang makatanggap sila ng ulat na may nasusunog na bahay sa nabanggit na lugar kaya agad silang rumesponde.

Halos 30 minuto lamang nang maapula ang apoy subalit hindi nakaligtas si Mrs. Tubay.

Sa salaysay ng kapitbahay ng biktima na si Danta Rivera, sinubukan pa niyang tulungan kasama ang iba pa nilang kapitbahay ang dating propesora ngunit nahirapan na sila dahil sa laki ng apoy.

Sa pahayag naman ng BFP Santiago City, napag-alamang halos apat na taon na umanong walang koryente sa tahanan ng biktima at hindi na ito nagpakabit dahil nag-iisa na lamang ito na naninirahan sa natupok na bahay.