Region

45 IP SOLDIERS NAGTAPOS NG ELEMENTARYA, HS

/ 14 February 2023

NASA 45 sundalo ng 10th Infantry (Agila) Division ang nagtapos ng kanilang pag-aaral sa elementarya at junior high school sa unang moving up at graduation ceremony sa auditorium ng 10th Infantry Division sa loob ng Camp General Manuel T. Yan Senior sa Mawab, Davao de Oro.

Sinabi ni Captain Mark Anthony Tito, 10th Division Public Affairs Office chief, na sa 45, 30 ang nakatapos ng junior high school at 15 sa elementary.

Ayon kay Tito, kumuha ang nga sundalo ng Functional Literacy Test at lumahok sa modular sessions bilang bahagi ng Alternative Learning System na inaalok ng Department of Education.

Sa kanyang talumpati sa graduation ceremony noong Pebrero 8, binigyang-diin ni Assistant Schools Division Superintendent Arlyn Lim ang pangangailangang mabigyan sila ng life skills na tutulong sa kanila na maging mas mabuting sundalo at lingkod-bayan.

Hinimok din niya ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral upang makapag-enroll sila sa mas mataas na edukasyon o mga kursong bokasyonal.

“We will continue to partner with the 10ID to make a difference in these people’s lives. I know this aligns with our goal of eradicating illiteracy in our government,” ani Lim.