Nation

TESDA CHIEF COVID19 POSITIVE

/ 22 November 2020

NAGPOSITIBO sa Covid19 si Technical Education and Skills Development Authority Director Isidro Lapeña.

Sumailalim sa reverse transcription-polymerase chain reaction test si Lapeña noong Biyernes para makasunod sa kahingian ng pamahalaan bago lumipad patungong Mindanao ngayong Linggo, Nobyembre 22.

Gayunman ay hindi siya natuloy nang matanggap ang positibong resulta.

Si Lapeña ay nakaiskedyul na tumungo sa Mindanao upang bisitahin ang TESDA regional at provincial offices, gayundin para mamonitor ang Poverty Reduction, Livelihood, and Employment Cluster bilang bahagi ng kaniyang tungkulin sa ahensiya.

“I am fine. I am not experiencing any symptoms,” pahayag ni Lapeña.

Siya ay kasalukuyang nakakuwarentena na magpapatuloy sa susunod na dalawang linggo. Ang lahat ng may  direktang interaksiyon sa kaniya ay inabisuhan na ring magpahinga at sumailalim sa isolation.

Tiniyak naman ng kalihim na hindi maaapektuhan ng kaniyang sitwasyon ang sunod-sunod na gawain ng TESDA para sa mamamayang Filipino.