PNP SA MAGULANG, GURO: BANTAYAN ANG KABATAAN SA SOCMED AT ONLINE
NANAWAGAN ang Philippine National Police (PNP) para sa mas mahigpit na pakikilahok ng mga magulang, guro, at paaralan sa pagbabantay sa paggamit ng social media at mga digital device ng mga kabataan kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na kinasangkutan ng dalawang menor de edad.
Ang panawagan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa gabay ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na paigtingin ang community-based crime prevention at mapahusay ang maagang pagtukoy sa mga senyales ng karahasang may kaugnayan sa kabataan.
“Parents and guardians serve as the first line of defense. They must be present and vigilant in their children’s digital lives, treating their online activity with the same level of concern as their physical whereabouts,” ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Nanawagan din si Nartatez sa mga guro at administrador ng paaralan na maging katuwang ng pulisya sa tinatawag na “digital watch” sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga pagbabago sa asal o mga nakababahalang interes ng mga estudyante upang maagapan ang anumang posibleng panganib.
“We are also calling on our teachers and school administrators to act as our partners in this ‘digital watch,’ identifying early behavioral shifts or concerning interests in students so we can intervene long before any harm is done,” dagdag niya.
Ayon kay Nartatez, ipinakita ng insidente sa San Jose National High School noong Hunyo 22 kung paano maaaring magsilbing babala ang ilang online behavior na posibleng indikasyon ng marahas na intensiyon.
Patuloy na sinisiyasat ng mga awtoridad ang posibilidad na may kinalaman ang pambu-bully at iba pang social factors sa insidente na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng hindi bababa sa 13 iba pa.
Batay sa imbestigasyon, isa sa mga suspek ang umano’y nag-post ng mga video na may kaugnayan sa baril at karahasan bago ang pag-atake, kabilang ang video ng kanyang sarili habang nagpapaputok ng baril.
Sinabi ng mga awtoridad na sinusuri ang naturang mga post bilang posibleng warning signs na hindi agad napansin o naaksiyunan.
“The warning signs are often subtle—social withdrawal, obsession with violent imagery, or the use of radicalized language—and when these red flags appear, early reporting to local police or school authorities is not just a precaution but a necessity to save lives,” ani Nartatez.
Binigyang-diin din ng PNP chief ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng kanilang ahensiya sa Department of Education upang maisapormal ang mga hakbang sa seguridad sa mga paaralan sa buong bansa.
“We are currently working with the Department of Education to formalize these safety protocols because securing our schools is a shared, non-negotiable responsibility that requires the constant, active involvement of every adult in a child’s circle of trust,” aniya.