Nation

PNP NANANATILING NAKAALERTO PARA SA BALIK-ESKWELA

/ 16 June 2026

PATULOY na pinananatili ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mga hakbang sa seguridad at police visibility habang mas maraming pribadong paaralan, lalo na sa mga urban na lugar, ang muling nagbukas ng klase nitong Hunyo 15.

Ayon kay Nartatez, ipagpapatuloy ang mga strategic deployment at visibility measures na ipinatupad noong nakaraang linggo—kabilang ang pagtulong sa pamamahala ng trapiko at presensiya ng mga pulis malapit sa mga paaralan, pampubliko man o pribado, sa koordinasyon sa mga local government unit (LGU) at mga awtoridad ng paaralan.

“We want to assure everybody that the peace and order measures we implemented for the June 8 class opening will remain for the safety of both students and teachers and for the peace of mind of their parents,” ani Nartatez.

Alinsunod ito sa direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na bigyang-prayoridad ang proteksiyon ng mga mag-aaral at guro sa pagbubukas ng klase.

Nauna nang iniulat ng PNP na naging mapayapa at maayos ang pagbubukas ng klase noong Hunyo 8, na iniuugnay nito sa maagang paghahanda at masusing pagpaplano ng mga police commanders hanggang sa antas ng mga istasyon.

Ayon kay Nartatez, bahagi ng preparasyon ng PNP ang koordinasyon sa mga LGU at school authorities bago pa man ang pagbubukas ng klase, kabilang ang pag-monitor sa iskedyul ng pasok ng bawat paaralan at pag-assess ng epekto nito sa daloy ng trapiko, lalo na sa Metro Manila at iba pang urban centers.

Nagbabala na rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa inaasahang pagsisikip ng trapiko sa pagbubukas ng klase sa mga pribadong paaralan nitong Hunyo 15. Magpapakalat ang ahensiya ng mga traffic enforcer sa mga school zone at pangunahing interseksyon upang makatulong sa pag-manage ng daloy ng sasakyan.

Bilang tugon, magtatalaga rin ang PNP ng mga tauhan sa mga pangunahing kalsada upang tumulong sa pag-aayos ng trapiko sa oras ng pasok at uwian ng mga estudyante. Nakaalerto rin ang mga lokal na police units para sa mas mahigpit na koordinasyon sa mga traffic authorities.

Inaasahang mas paiigtingin pa ang koordinasyon ng PNP at MMDA sa mga unang araw ng pagbabalik-eskwela.

“Our personnel will sustain heightened vigilance outside the premises of all private and public schools to ensure the safety of students, teachers, and staff,” dagdag ni Nartatez.

Pinaalalahanan din ng mga awtoridad ang mga estudyante, magulang, at school personnel na sumunod sa mga traffic rules at mga tagubilin ng mga kinauukulan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng tao at sasakyan sa mga lansangan.