PMA HOST NG 1st INTERNATIONAL CONFERENCE OF CADETS
MAGSISILBING host ang Philippine Military Academy (PMA) sa kauna-unahang International Conference of Cadets (ICC) sa Nobyembre bilang suporta sa chairship ng Pilipinas sa ASEAN Summit.
Ayon kay Lt. Commander Jesse Nestor Saludo, layunin ng kumperensiya na magsilbing plataporma para sa cultural exchange, professional development, at pagbabahagi ng best practices sa military education at leadership.
Aniya, humigit-kumulang 19 bansa, kabilang ang mga miyembrong estado ng ASEAN, ang inaasahang lalahok sa naturang pagtitipon.
“This is a must especially that the Philippines is the host for ASEAN this year and other partner nations,” sabi pa ni Saludo.
Gaganapin ang ICC mula Nobyembre 17 hanggang 23, 2026 sa PMA, at inaasahang tatampukan ito ng mga tagapagsalita mula sa dating military strategists, corporate leaders, at mga akademiko.
Ayon naman kay PMA superintendent Vice Admiral Caesar Bernard Valencia, inaanyayahan din ang mga cadet mula sa mga kaalyadong bansa upang talakayin ang seguridad at modernong digmaan.
Sinabi rin niya na patuloy na pinadadala ang PMA cadets sa iba’t ibang military academies sa ibang bansa para sa training at exposure.