‘ONLINE GROOMERS’ NA TARGET ANG MGA BATA INIIMBESTIGAHAN NG PNP
INIIMBESTIGAHAN na ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y mga online groomer na nagta-target sa mga bata upang impluwensiyahan at i-recruit ang mga ito para masangkot sa karahasan.
Sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ipagpapatuloy ng PNP ang mahigpit na pagmamanman at imbestigasyon sa mga nakababahalang ulat tungkol sa mga online groomer na umano’y nanghihikayat at nagre-recruit ng mga bata upang gumawa ng marahas na gawain.
Ayon kay Nartatez, nakikipag-ugnayan ang PNP sa iba pang kinauukulang ahensiya kaugnay ng mga online threat na maaaring magbanta sa kaligtasan at kapakanan ng mga menor de edad, partikular na ang mga aktibong naglalaro ng online games.
Alinsunod ito sa direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at DILG Secretary Jonvic Remulla na paigtingin ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga bata laban sa mga banta at kriminal na aktibidad, lalo na sa mga nagsasamantala sa kanilang pagiging madaling maimpluwensiyahan sa online na mundo.
“Police presence are not only active and visible on the streets and in the community. We are making sure that the PNP’s presence is also felt in cyberspace to protect the netizens, especially the children,” ani Nartatez.
Nauna nang iniulat ng mga awtoridad na tina-target ng mga groomer ang mga menor de edad at hinihikayat ang mga ito na magkaroon ng mararahas na pag-uugali. Ayon sa mga ulat, kabilang sa grupo ang ilang miyembro mula sa ibang bansa, bagama’t karamihan umano sa kanila ay mga Pilipino.
Sinabi ni Nartatez na nagsagawa na ang PNP ng imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng operasyon at impluwensya ng mga indibidwal na umano’y nagta-target sa mga bata.
Bahagi rin ng imbestigasyon ang pakikipag-ugnayan sa mga counterpart ng PNP sa ibang bansa.
“There is no boundary in cyberspace and as such, we need to coordinate and work with as many of our foreign counterparts to achieve the desired goal,” ani Nartatez.
Nanawagan din ang heneral sa mga magulang na magkaroon ng aktibong papel sa pagprotekta sa kanilang mga anak laban sa mga indibidwal na maaaring magtangkang pagsamantalahan sila sa pamamagitan ng social media at iba pang online platform.
Hinimok niya ang mga magulang na masusing subaybayan ang mga aktibidad ng kanilang mga anak, lalo na ang kanilang ginagawa online.
Hinikayat din ni Nartatez ang publiko na ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad o indibidwal na maaaring makasalamuha ng mga bata sa social media.