Nation

LIBRENG TERTIARY EDUCATION PINASISILIP SA KONGRESO

AMINADO si Senate Majority Leader Joel Villanueva na kailangan nang malaman ng Kongreso ang naging takbo ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa loob ng limang taong implementasyon nito.

/ 28 April 2023

AMINADO si Senate Majority Leader Joel Villanueva na kailangan nang malaman ng Kongreso ang naging takbo ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act sa loob ng limang taong implementasyon nito.

Sinabi ni Villanueva na dapat matukoy kung nakatulong ang batas sa pagpapalawig ng access sa dekalidad na edukasyon sa kolehiyo.

Idinagdag ng senador na kailangan ding malaman ng mga mambabatas kung may pagkukulang pa sa batas at kinakaialngang amyendahan.

“Layunin po ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na hindi maging balakid ang kahirapan sa pagkakaroon ng isang dekalidad na edukasyon. Sa halos limang taon na implementasyon ng batas na ito, mahalaga pong malaman natin kung paano nakatulong ang batas na ito sa pagpapalawig ng access sa dekalidad na edukasyon sa kolehiyo, at malaman natin kung may mga kinakailangang amyendahan sa batas,” pahayag ni Villanueva sa Viber message sa The POST.

Ang reaksiyon ni Villanueva ay kasunod ng mga ulat na maraming anak ng mga mayayamang pamilya ang nakikinabang din sa libreng tertiary education na dapat sana ay para sa mga kuwalipikadong mahihirap lamang.

Una nang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na kadalasan, nagaganap ito sa University of the Philippines kaya may mga nagpapanukala na ibalik na ang dating sistema sa unibersidad kung saan pinagbabayad ang mga mayayaman.

“Bilang isa sa mga commissioner ng EDCOM2, naniniwala po tayo na ang edukasyon ang susi sa pag-unlad ng lipunan. Kailangan po nating siguruhin na handa ang ating mga graduates na makilahok sa ating labor force na may karampatang kaalaman, lalo na sa mga in-demand at core skills na kailangan ng industriya,” dagdag pa ni Villanueva.