Nation

KITA SA VAT ILAAN SA EDUKASYON — SOLON

/ 7 November 2020

UPANG matiyak na mapopondohan ang pangangailangan ng mga estudyante sa bansa, ipinanukala ni Pangasinan 5th District Rep. Ramon Guico III na ilaan ang kita mula sa 20 percent value added tax sa edukasyon.

Sa pagsusulong ng House Bill 3104, nais ni Guico na amyendahan ang National Internal Revenue Code of 1997 at ispesipikong ilaan ang VAT collections sa edukasyon.

“Often we tout that education is the paramount solution to our country’s woes and yet, even with the very same annually accorded the lion’s share of the national budget, our education system remains far from exceptional,” pahayag ni Guico sa kanyang explanatory note.

Sa panukala ng kongresista, kabilang sa paglalaanan ng VAT collection ang pagtatayo ng mga gusali, classroom at iba pang istruktura para sa pre-school education.

Daragdagan din ang pondo para sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Program upang saklawin ang Pre-School Education.

Ang iba pang bahagi ng VAT collection ay gugugulin sa pagbili at improvement ng lugar para sa elementary, secondary education at maging sa state and local universities and colleges.

Popondohan din ang scholarship grants para sa technical education and skills development at para sa mga kuwalipikadong indigent students na makapag-enroll sa science and engineering courses.

Sa panukala, mandato ng Department of Budget and Management, Bureau of Internal Revenue at Department of Education na bumalangkas ng implementing rules and regulations sa pagsasakatuparan nito.