BLENDED LEARNING IPATUTUPAD SA TYPHOON-DAMAGED SCHOOLS
IPATUTUPAD ang blended learning sa mga eskwelahang napinsala ng Bagyong Egay, ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio
Ito ay para tiyakin na hindi maaabala ang klase ng nga estudyante.
“Priority (ang repairs for Egay damaged schools) para sa ating budget for this year, pero kung hindi po umabot ang repair ng August 29, immediately po i-implement ng ating mga paaralan ang blended learning program natin dahil wala na pong learning disruption ang direction ng Department of Education, lagi pong blended learning or in person classes,” ayon kay Duterte-Carpio.
Inamin naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa matatapos ang pagsasaayos ng mga eskwelahan sa Agosto 29, ang araw na nakatakdang magbukas ang klase sa mga pampublikong paaralan.
“Hindi pa lahat. Kasi nung tumama ang bagyo, ang sabi namin ano’ng magagawa namin sa isang buwan? So far, basta kung ano ang puwede nating gawin kasama ng ating LGU ay ginagawa lahat para maayos ang mga nasira. At patuloy naman ang school building program, pero malaking sagabal,” ayon kay Marcos.
Nauna nang sinabi ng gobyerno na may kabuuang 169 paaralan, kabilang ang mahigit 500 silid-aralan, ang napinsala ng bagyo sa Cordillera Administrative Region, Metro Manila, Cagayan Valley, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Eastern Visayas, at Bicol Region.