Bulletin Board

#KABATAANSAHALALAN: 2022 CALENDAR INILABAS NA NG COMELEC

/ 21 February 2021

Ipinaskil na ng Commission on Elections ang kompletong Calendar of Activities ng nalalapit na Eleksiyon 2022.

Noong Pebrero 10 pa pormal na nilagdaan ng Comelec En Banc ang Resolution 10695, pero nitong Pebrero 13 lamang ipinaskil sa website.

Ayon dito’y sa Marso 31 ang huling araw ng petisyon para sa pagpapatala at pagpapasa ng manipestasyon ng nagnanais tumakbong party-list groups, coalitions, at organizations. Ito rin ang dedlayn ng pagsusumite ng manifestation of intent ng existing party-list groups na lalahok sa Mayo 9, 2022.

Ang huling araw ng paghahabla ng application for transfer of registration records mula overseas tungong local registry ng dating overseas o absentee voters ay nakatakda hanggang Agosto 31.

Samantala, Oktubre 1 hanggang 8 ang linggo ng Filing of Certificate of Candidacies sa lahat ng elective positions, lokal hanggang nasyonal. Sa linggo ring ito ang filing of certificate of nomination and acceptance.

Kokoletahin at sasalain ng Comelec ang mga matatanggap na COCs at iaanunsiyo ang unang tentatibong listahan ng mga kalipikadong kandidato sa huling Biyernes ng buwan, Oktubre 29.

Ispesipiko na ring nakasulat sa Resolution 10695 ang huling araw para sa substitution of candidates – Nobyembre 15.

Idiniin ito sa dokumento sapagkat maaalalang ang pagtakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte’y sumalalay sa substitusyon para kay Martin Dino ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan.

Opisyal na magsisimula ang Election Period sa Enero 9 na magtatapos sa Hunyo 8, 2022.

Ang nasabing dokumento’y nilagdaan nina Chairman Sheriff Abas, Commissioner Rowena Guanzon, Socorro Inting, Marlon Casquejo, Antonio Kho, Jr., at Aimee Ferolino-Ampoloquio.

Huling araw ng pagpapatala sa Setyembre 30!

Makailang-ulit binanggit ni Guanzon na hindi na mapalalawig pa ang huling araw ng voter registration sa Setyembre 30 kaya hinihikayat niya ang mga bagong kalipikadong botante na tumungo sa Office of Election Officers sa lalong-madaling panahon.

“Huwag nang hintayin ang dedlayn,” aniya.

Narito ang mga hakbang kung paano makapagpaparehistro:

  1. Tiyakin na ikaw ay kalipikado. Ang botanteng Filipino ay nararapat na Filipino citizen, at least 18 years old bago o sa mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022, residente ng Filipinas nang hindi bababa sa isang taon, at residente ng lungsod o bayan na pagbobotohan nang hindi bababa sa 6 na buwan. Ang mga nakaboto sa nagdaang SK elections ay hindi kailangang muling magparehistro.
  2. Gumising nang maaga. Ang Comelec ay handang tumanggap ng mga magpaparehistro tuwing Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 3 n.h.
  3. I-fillout ang online registration form sa iRehistro: https://irehistro.comelec.gov.ph/. Tatlong ulit itong i-print sa 8.5×13” na papel at dalhin sa pinakamalapit na Comelec. Pirmahan ang pormularyo sa harap ng Election Officer.
  4. Bagaman hindi naman kailangan, mainam pa ring magdala ng katibayan na ikaw ay 18 taong-gulang sa araw ng halalan – birth certificate at/o valid ID.
  5. Bitbit ang sariling bolpen, pumunta sa inyong Local Commission on Elections Office. Kadalasang ito ay matatagpuan malapit sa munisipyo o city hall.
  6. No Face Mask and Face Shield – No Registration. Magsuot ng face mask at face shield. Mag-alcohol at pirmahan ang health declaration form na makukuha sa security guard. Sundin ang dalawang metrong social distancing.
  7. Pumila at magpa-biometrics. Kapag tinawag na sa window, kailangan mong panandaliang hubarin ang face mask at face shield para makunan ka ng retrato. Matapos nito’y kukunan ka rin ng biometrics gaya ng fingerprint at signature specimen.
  8. Hintayin ang iyong voter slip. Pagkakuha nito’y maaari ka nang bumalik sa inyong tahanan.
  9. Subaybayan ang #KabataanSaHalaan Election Campaign ng The Philippine Online Student Tambayan (thepost.net.ph) para mabatid ang mga update hinggil sa eleksiyon at para malaman ang mga detalye sa kung paano maririnig ng taumbayan ang boses ng mga kabataan sa halalan.