PNP MAGTATAYO NG HELP DESKS SA MGA ISKUL LABAN SA BULLYING
PINAPLANO ng Philippine National Police (PNP) na maglagay ng mga help desk sa mga paaralan bilang bahagi ng mga hakbang upang maiwasan ang bullying, kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bahagi ito ng suporta ng PNP sa mga programa ng Department of Education (DepEd) na naglalayong tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
“The move is part of the PNP’s support system to the DepEd, which has been initiating measures to ensure the protection of all learners,” ani Nartatez.
Sinabi niya na maaaring pangasiwaan ang mga help desk ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk na nakatalaga sa bawat himpilan ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, ang pamamaril sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante ay isinagawa umano ng dalawang menor de edad na nakaranas ng bullying.
Dagdag pa ni Nartatez, patuloy ang koordinasyon ng PNP at DepEd upang higit na mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.
“Our coordination with DepEd is continuously being done to provide the best protection to our learners and to make sure that all schools are safe and conducive to learning,” aniya.