IKA-9 NA MONUMENTO FILM FESTIVAL, MATAGUMPAY NA GINANAP SA SM CITY SANGANDAAN
Muling nabigyang-buhay ang sining ng pelikula at malikhaing pagkukuwento nang matagumpay na idaos ng mga 3rd year BA Communication students ng University of Caloocan City ang Ika-9 na Monumento Film Festival sa SM City Sangandaan noong Mayo 21.
Sa temang “SARIHIYA: Iba’t Ibang Henerasyon, Iisang Kwento,” binigyang-diin ng film festival ang kapangyarihan ng malikhaing pagkukuwento bilang tulay na nag-uugnay sa iba’t ibang henerasyon sa pamamagitan ng magkakaibang karanasan, damdamin, at kuwentong sumasalamin sa realidad ng buhay.
Tampok sa film festival ang tatlong student-produced films mula sa South at North campuses, na bawat isa ay naglahad ng natatanging kuwento mula sa iba’t ibang genre. Sa pamamagitan ng pelikula, ipinakita ng mga estudyante ang mga temang tumatalakay sa pamilya, kahirapan, sakripisyo, takot, pag-asa, at pagkakaisa.
Pormal na binuksan ni Dr. Rodrigo Dantay Jr. ang programa sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga dumalo at pagpapahayag ng kaniyang pananabik na masaksihan ang mga kuwentong binuo ng mga student filmmakers. Nagbigay rin ng mensahe si Dr. Cattleya Yee bilang pagkilala sa pagkamalikhain, dedikasyon, at pagsisikap ng mga BA Communication students sa matagumpay na paghahanda at pagsasagawa ng film festival.
Bilang kinatawan ng South Campus, unang ipinalabas ang “Sa Dulo ng Parisukat” ng Sine SagJuan Productions. Ang drama film ay umikot sa kuwento ng isang pamilyang nabubuhay sa kahirapan, kung saan sinubukan ng pangunahing tauhang si Angge na kumawala sa mundong hinubog ng krimen at paghihirap. Ipinakita ng pelikula ang mabigat na pakikibaka ng mga taong nais takasan ang siklong kanilang kinalakihan, ngunit patuloy na hinihila pabalik ng kanilang kapaligiran.
Matapos ang unang screening, naghatid ng inspirasyonal na mensahe si University of Caloocan City Chairman of the Board of Regents Hon. Along Malapitan. Ipinahayag niya ang kaniyang suporta sa mga kabataan at kinilala ang kanilang talento, pagkamalikhain, at dedikasyon sa paggamit ng pelikula bilang paraan ng pagpapahayag ng mahahalagang kuwento ng lipunan.
Nagpatuloy ang programa sa mga entry mula sa North Campus, na pinangunahan ng “IX” o “Nueve” ng Sagitraya Productions. Ang pelikula ay tumalakay sa desperadong pagtatangka ng isang ina na mailigtas ang kaniyang anak. Sa gitna ng takot, dalamhati, at desperasyong wakasan ang sumpa, ipinakita ng pelikula kung paanong ang isang desisyong inakalang magtatapos sa kapahamakan ay nauwi sa mas malagim na trahedya nang mailipat ang sumpa.
Nagtapos ang film screening sa “Pusong Payaso” ng Silakbolaya Productions, isang comedy-drama na sumubaybay sa buhay ng mga clown performers na humaharap sa kahirapan at personal na pagsubok. Sa kabila ng kanilang pinagdaraanan, muling nag-alab ang kanilang pagmamahal sa pagpapatawa at pagtatanghal sa tulong ng pamilya at pagkakaisa.
Bago tuluyang magtapos ang programa, kinilala rin ng mga organizers ang mahalagang gabay at suporta ng mga gurong naging bahagi ng matagumpay na pagsasagawa ng festival, kabilang sina Ms. Diane Quiambao, Mr. Nicolai Cajefe, Mr. Owell Bravo, at Mrs. Enecita Arlos. Ang kanilang mentorship at dedikasyon ay gumanap ng mahalagang papel sa paghubog ng kakayahan ng mga estudyante sa larangan ng komunikasyon at pelikula.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga organizers sa mga sponsors at partners na tumulong upang maisakatuparan ang film festival. Gayundin sa production staff, committees, at buong team na naglaan ng oras, talento, at pagsisikap upang mabigyang-buhay ang pagdiriwang ng sining, pelikula, at malikhaing pagkukuwento.
Sa pagtatapos ng Ika-9 na Monumento Film Festival, nag-iwan ng malalim na impresyon sa mga manonood ang mga kuwentong nasilayan sa malaking screen. Pinatunayan ng festival na sa kabila ng pagkakaiba ng bawat henerasyon, nananatiling makapangyarihan ang malikhaing pagkukuwento sa pagbubuklod ng mga tao sa pamamagitan ng magkakatulad na karanasan, damdamin, at kuwento.