THE GREAT PAUSE: BALIK-TANAW SA MASALIMUOT NA UNOS
May mga yugto sa kasaysayan na hindi lamang dumaraan sapagkat nag-iiwan ang mga ito ng marka sa bawat buhay na kanilang nadaraanan. Isa na rito ang mga taong 2020 hanggang 2023, mga panahong nabalot ng takot, pangamba, kawalan ng katiyakan, at matinding pagbabago. Sa loob ng mga taong ito, tila biglang bumagal, kung hindi man halos tumigil ang maayos na pag-ikot ng mundo dahil sa isang delubyong walang pinili: ang COVID-19.
Hindi lamang kalusugan ang tinamaan ng pandemya. Kasabay ng paglaganap ng sakit ay ang paglawak ng pagdurusang panlipunan: mga manggagawang nawalan ng hanapbuhay, mga pamilyang nabaon sa pangamba, at mga batang napagkaitan ng karapatang matuto sa loob ng silid-aralan.
Sa larangan ng edukasyon, isa ang pandemya sa pinakamabigat na unos na dumating sa kasaysayan. Ayon sa UNESCO, mahigit 1.6 bilyong mag-aaral sa mahigit 190 bansa ang naapektuhan ng pagsasara ng mga paaralan. Kasabay nito ang pag-usbong ng terminong “new normal,” isang katawagang naging sagisag ng sapilitang pakikiayon ng tao sa isang mundong binago ng krisis. Ang dating masiglang pasukan, maiingay na silid-aralan, at pisikal na pakikisalamuha ay biglang napalitan ng online class dahil sa ipinatupad na social-distancing at lockdown. Ngunit sa likod ng panawagang “ituloy ang edukasyon” ay ang mas masakit na katotohanang hindi pantay ang kakayahan ng lahat upang sumabay. Hindi naging madali ito sa ibang mag-aaral, bunsod ng iba’t ibang hadlang tulad ng kawalan ng suporta sa gadget at internet.
Habang sinusubukang ibangon ng edukasyon ang sarili mula sa pagkagambala, isa na namang puwersa ang tahimik na lumakas: ang artificial intelligence o AI. Bagama’t matagal na itong ginagamit sa ilang anyo ng pag-aaral, tulad ng plagiarism checkers at grammar assistants, naging higit itong lantad at malawak ang impluwensiya noong taong 2022. Sa paglabas ng ChatGPT noong taong iyon, tila nabuksan ang isang bagong pinto sa paraan ng pagkatuto ng mga estudyante. Sa loob lamang ng dalawang buwan, umabot ito sa 100 milyong users.
Para sa mga mag-aaral na nasanay na sa paggamit ng digital tools noong pandemya, hindi na mahirap yakapin ang AI. Sa unang tingin, isa itong makabagong katuwang sapagkat ito ay mabilis. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti ring lumitaw ang masalimuot nitong epekto. Sa halip na magsilbing gabay, para sa ilan ay naging takbuhan ito upang iwasan ang proseso ng tunay na pagkatuto.
Dito nagsimulang mabuo ang isa pang tahimik na krisis. May mga gawaing pampaaralan na hindi na pinag-iisipan, may mga sanaysay na hindi na pinagninilayan, at may mga pagbabasang hindi na inuunawa. Unti-unting naisantabi ang halaga ng pagsisikap, sapagkat may teknolohiyang handang gumawa ng lahat sa isang pindot lamang. At sa likod ng kaginhawaang ito ay ang panganib ng paghina ng kakayahang magsuri, magsulat, at magpahayag nang mula sa sariling pag-unawa.
Ayon sa mga eksperto, maraming mga estudyante ang nakaranas ng learning regression, kung saan ang mga dating kakayahan ay nakakalimutan na o hindi na sanay na gawin. May ilan na hirap nang umunawa sa binabasa, hirap magpokus, at hirap magpanatili ng disiplina sa pag-aaral. Hindi rin maikakaila ang naging epekto nito sa pakikipagkapwa. Ang mga batang nasanay sa limitadong interaksiyon ay nagkaroon ng kakulangan sa harapang pakikisalamuha.
Sa kabuuan, ang yugtong ito ay hindi lamang pansamantalang paghinto. Isa rin itong paalala ng kung paanong ang isang pandaigdigang krisis ay kayang baguhin ang takbo ng buhay, lalo na sa edukasyon. Ang Great Pause kung gayon, ay hindi lamang kuwento ng pandemya. Isa rin itong salaysay ng pagkawala, pag-angkop, at pagbabagong hanggang ngayon ay patuloy pa ring humuhubog sa paraan ng ating pagtuturo, pagkatuto, at pagtanaw sa hinaharap.