SENTRO NG WIKA AT KULTURA (SWK) AT KWF, MAGKATUWANG SA MGA PROYEKTONG PANGWIKA AT PANGKULTURA
Magkatuwang ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga proyektong pangwika at pangkultura kabilang ang mga saliksik hinggil sa pambansang wika, katutubong wika, at pangkulturang saliksik para sa madla na gumagamit nito.
Inilatag ng mga direktor ng SWK ang mga proyektong pangwika kabilang ang mga tertulya, webinar, workshop, at saliksik sa katatapos at matagumpay na pagpaplano para sa taóng 2023 na ginanap mula 8–10 Marso sa City State Asturias Hotel, Puerto Prinsesa, Palawan.
Pinangunahan naman ni Tagapangulong Arthur P. Casanova ang panunumpa ng bagong pamunuan ng SWK na sinaksihan nina Kom. Carmelita C. Abdurahman at Direktor Heneral Atty. Marites B. Taran.
Nahalalal si Dr. Alvin De Mesa, pangulo; Dr. Rodello Pepito, Pangalawang Pangulo; Prop. Ryan Rodriguez, kalihim; Dr. Lourdes Quijano, Ingat-yaman; Dr. Felisa Marbella, ang awditor; Dr. Romeo Espedion Jr., Tagapagbalita. Naitalaga naman bilang kinatawan ng Luzon si Dr. Mary Ann Macaranas, Visayas naman si Dr. Lita Bacalla, at sa Mindanao ay si Dr. Radji Macatabon.
Ang SWK ay patuloy na lalahok at mangunguna sa pagsusulong ng mga katangiang pangkultura ng pook (bayan, lalawigan, o rehiyon) na kinalalagyan nito. Naniniwala ang SWK at KWF na ang wika ay imbakan ng karunungan at karanasan ng lipunan na dapat pinahahalagahan ng bawat Pilipino.
Ang matagumpay na pagpaplano ay naisagawa sa pangunguna nina Dr. Jose Evie G. Duclay at Gng. Minda Blanca L. Limbo na patuloy ang pagbibigay suporta sa mga direktor ng SWK sa buong bansa.