Bulletin Board

#KABATAANSAHALALAN: IPARINIG ANG BOSES NG KABATAAN SA DARATING NA HALALAN – COMELEC SPOX

/ 15 February 2021

Tuloy-tuloy ang panawagan ng Commission on Elections sa mga kabataan para lumahok sa Eleksiyon 2022 at magparehistro sa lalong-madaling panahon.

Sambit ni Comelec Spokesperson James Jimenez, kailangang iparinig ang boses ng kabataan sa darating na halalan upang makapamili ang bayan ng pinakamahusay na pinuno sa susunod na anim na taon.

“Remember, when you vote, you help design the kind of governance you receive.

“Kung boboto kayo ng magagaling, magaling din ‘yung governance na matatanggap ninyo. Kung bumoto kayo ng hindi masyadong magaling, pasensiyahan na lang, hindi rin magaling ang governance na matatanggap ninyo,” mensahe ni Jimenez sa isang panayam.

‘Youth Vote’ ang sinasabing may kakayahang makapagpabago ng resulta ng eleksiyon sa Filipinas. Kabataan kasi ang pinakamalaki at pinakaaktibong hanay ng mga botante taon-taon. Sa katunayan, nito lamang 2019, 18.8 milyon ang bilang ng mga botanteng edad 18-24 at 19.9 milyon naman ang edad 30-44. Higit 60% ito ng 61.8 milyong populasyong rehistrado.

Ito ang dahilan kung bakit tuluyang hinihikayat ang mga kabataan na magparehistro hanggang Setyembre 30 – ang huling araw ng pagtanggap ng mga aplikasyon.

Noong nakaraang linggo, inanunsiyo ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na extended na ang office hours ng mga opisina mula Pebrero 20 para mas maraming new registrants ang maakomoda.

Lahat ng Office of Election Officers sa buong bansa ay bukas mula Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 5 n.h.

Paano magparehistro?

Narito ang ilang mga paalala:

  1. Tiyakin na ikaw ay kalipikado. Ang botanteng Filipino ay nararapat na Filipino citizen, at least 18 years old bago o sa mismong araw ng eleksiyon sa Mayo 9, 2022, residente ng Filipinas nang hindi bababa sa isang taon, at residente ng lungsod o bayan na pagbobotohan nang hindi bababa sa 6 na buwan. Ang mga nakaboto sa nagdaang SK elections ay hindi kailangang muling magparehistro.
  2. Gumising nang maaga. Ang Comelec ay handang tumanggap ng mga magpaparehistro tuwing Martes hanggang Sabado, 8 n.u. hanggang 3 n.h. (Simula Pebrero 20 ay hanggang 5 n.h. na ito).
  3. I-fillout ang online registration form sa iRehistro: https://irehistro.comelec.gov.ph/. Tatlong ulit itong i-print sa 8.5×13” na papel at dalhin sa pinakamalapit na Comelec. Pirmahan ang pormularyo sa harap ng Election Officer.
  4. Bagaman hindi naman kailangan, mainam pa ring magdala ng katibayan na ikaw ay 18 taong-gulang sa araw ng halalan – birth certificate at/o valid ID.
  5. Bitbit ang sariling bolpen, pumunta sa inyong Local Commission on Elections Office. Kadalasang ito ay matatagpuan malapit sa munisipyo o city hall.
  6. No Face Mask and Face Shield – No Registration. Magsuot ng face mask at face shield. Mag-alcohol at pirmahan ang health declaration form na makukuha sa security guard. Sundin ang dalawang metrong social distancing.
  7. Pumila at magpa-biometrics. Kapag tinawag na sa window, kailangan mong panandaliang hubarin ang face mask at face shield para makunan ka ng retrato. Matapos nito’y kukunan ka rin ng biometrics gaya ng fingerprint at signature specimen.
  8. Hintayin ang iyong voter slip. Pagkakuha nito’y maaari ka nang bumalik sa inyong tahanan.
  9. Subaybayan ang #KabataanSaHalaan Election Campaign ng The Philippine Online Student Tambayan (thepost.net.ph) para mabatid ang mga update hinggil sa eleksiyon at para malaman ang mga detalye sa kung paano maririnig ng taumbayan ang boses ng mga kabataan sa halalan.