WAIS MOVES: AI BEHIND YOUR EVERYDAY TINDAHAN
SA BAWAT kanto ng barangay, may sari-sari store na tila bahagi na ng ating araw-araw na buhay. Dito tayo bumibili ng ating mga pangangailangan tulad ng mantika, bigas, kendi, softdrinks, at minsan, kahit payong o load.
Maliit na negosyo, oo, pero malaki ang papel na ginagampanan sa komunidad. Sa likod ng hirap ng buhay ay ang mga tindera’t tindero na araw-araw humaharap sa hamon ng puhunan, kita, at panindang dapat sabayan ang bilis ng araw.
Sa isang tahimik na silid sa Katipunan, may mga estudyanteng naniniwalang hindi lang malalaking negosyo ang dapat makinabang sa teknolohiya. Para sa kanila, ang sari-sari store ay simbolo ng sipag at tiyaga.
Dito nagsimula ang ideya ng AI-powered software na layuning tulungan ang maliliit na tindahan sa kanilang pang-araw-araw na operasyon.
Ginawa ito ng mga estudyante mula sa Ateneo de Manila University (ADMU) sa ilalim ng kanilang pananaliksik sa Business Insights Laboratory for Development (BUILD).
Sa tulong ng artificial intelligence (AI), ang software ay kayang makapag-track ng benta, magsuri ng trends, magrekomenda ng kung ano ang kailangang i-restock, at tumulong sa pagbuo ng promo bundles. Lahat ito ay dinisenyong simple at madaling gamitin lalo na sa mga taong hindi techie.
Hindi kailangang guluhin ang dating takbo ng tindahan. Ang kailangan lamang ay maibigay sa kanila ang tamang tools para mas mapadali at mapatalino ang kanilang mga desisyon sa negosyo.
Sa halip na manghula kung anong produkto ang mauubos o hindi kikita, ang AI na ang bahalang magbigay ng datos. Sa ganitong paraan, nabibigyan ng kumpiyansa ang mga negosyanteng palaguin ang kanilang kita habang binabawasan ang sayang sa paninda.
Ang proyekto ay nakakuha ng atensiyon mula sa Department of Science and Technology (DOST) at Packworks, isang startup na pokus ang digital empowerment ng mga sari-sari store sa buong bansa. May posibilidad itong maging bahagi ng Sari.PH Pro, isang platform na ginagamit ng libo-libong tindahan sa Pilipinas.
Sa higit isang milyong sari-sari stores sa bansa, ang ganitong uri ng makabagong solusyon ay hindi lang basta inobasyon. Isa itong konkretong hakbang patungo sa mas inklusibong kaunlaran, kung saan ang teknolohiya ay hindi lamang para sa mga malalaki at mayayaman, kundi para rin sa mga nasa gilid ng kalsada–sa mga tindahang pinatatakbo ng sipag at tiyaga.
Ang proyekto ay nagpapatunay sa kapangyarihan ng edukasyon at malasakit ng kabataan. Sa simpleng ideya na nagsimula sa silid-aralan, ngayon ay may potensiyal itong makaabot sa mga komunidad na matagal nang nakikipagsapalaran sa pagbabalanse ng puhunan at pangarap.
Dahil sa AI na gawa ng mga estudyante, nagkaroon ng panibagong paraan para umangat ang sari-sari stores. Hindi na lang ito tungkol sa sukli at paninda. Ngayon, may sistema na, may direksiyon, at may posibilidad nang umasenso.
Sa mabilis na takbo ng buhay at pangangailangan, hindi lang sa malalaking kompanya o tech hub makikita ang tunay na inobasyon. Minsan, nasa simpleng tindahan lang sa kanto.
Sa likod ng mga pagbabagong ito, may mga kabataang may malasakit sa kapwa, at paniniwalang kahit maliliit na negosyo ay may kakayahan ding umangat.