SANDALI, HUWAG MUNANG UMALIS
MABIGAT. Magulo. Walang nakakaintindi. Mas madaling mawala kaysa magpatuloy. Subalit sa gitna ng kaguluhan, katahimikan man o kadiliman, hindi ka nag-iisa. Bago ka bumitaw, sandali lang — huwag ka munang umalis. May mga taong handang makinig at may dahilan pa para manatili.
Ngayong buwan ng Setyembre ipinagdiriwang ang Suicide Prevention Month. Taon-taon itong paalala na hindi biro ang laban ng mga kabataan pagdating sa lumalalang kaso ng suicide at mental health issues.
Sa kabila ng mga ngiti sa silid-aralan at mga tila pakitang tao sa social media, iba’t iba ang dalang daing ng mga kabataan — mga kabataang umiiyak sa gabi dahil sa samu’t saring dahilan.
Ayon sa Department of Education (DepEd), mahigit 254 estudyante ang nasawi dahil sa suicide at 1,492 naman ang nagtangkang gawin ito sa school year na 2022-2023.
Samantala, base naman sa Young Adult Fertility and Sexuality Survey, halos 7.5% ng mga kabataang Pilipino edad 15 – 24 o halos 1.5 milyong kabataan ang nagtangkang mag-suicide. Sinabi naman ng Philippine National Police (PNP) na halos 2,000 kaso ng suicide ang naitala mula Enero hanggang Hunyo na katumbas ng isang buhay kada dalawang araw.
Madalas nakatago at hindi nakikita ng iba ang senyales. Biglang nagiging tahimik, nawawalan ng gana, o ‘di kaya’y pabirong isinasaad ang kagustuhan nilang maglaho. Sa likod ng mga biro at katahimikan ay may mga sigaw at daing na hindi naririnig.
Ang mga simpleng tanong na “kumusta ka?” o ‘di kaya “okay ka lang ba?” ay maaaring maging sandigan ng isang buhay at dahilan upang malampasan ang isang araw. Hindi natin kailangang maging eksperto upang makinig—minsan, sapat na ang presensiya at pag-unawa.
Para sa mga kabataan, ang pagtawag sa hotline, pakikipag-usap sa guidance counselor, o simpleng pagbubukas ng nararamdaman sa isang kaibigan ay hindi kahinaan, iyon ang lakas. Dahil ang lahat ng iyong emosyon at nararamdaman ay valid.
Sa pagsusulat, ginagamit ang semicolon (;) kapag maaari nang tapusin ang pangungusap ngunit mas pinipili ng manunulat na magpatuloy. Ganoon din sa buhay. May mga pagkakataong gusto nang sumuko, ngunit mas may pagkakataon din tayong piliin ang magpatuloy.
Ang semicolon ay paalala na hindi pa rito nagtatapos ang iyong kuwento; marami pang kabanata ang naghihintay na maisulat. Ang suicide prevention month ay hindi lang kampanya, ito ay sama-samang pagkilos.
Nagsisimula ito sa simpleng pakikinig, sa pagbasag ng stigma, at sa pagbibigay ng espasyo kung saan ligtas magpahayag ng nararamdaman ang isang indibidwal. Minsan, ang pinakakailangan ng isang tao ay marinig na mahalaga siya, at hindi natatapos ang kanyang kwento sa sakit na kanyang nararamdaman.
Sandali, huwag munang umalis. Kung ikaw ay dumaan sa ganitong sitwasyon, huwag kang matakot na iabot ang iyong kamay. Ang pag-abot ng tulong ay maaaring maging simula ng bagong kabanata.
Huwag tuldukan ang iyong buhay sapagkat hawak mo ang panulat upang maipagpatuloy ang iyong kuwento at matuldukan ang kadiliman.