Filipiniana

What I Talk About When I Talk About Sining

Binasang Papel as Keynote Speaker sa “Handog Sining at Kultura:Alab-Sining, Alay-Sigla. 2021 FAL Activities in Celebration of National Arts’ Month. TuklaSEENing Official Launch, Philippine Normal University (Feb 16, 2021)."

/ 8 March 2021

Magandang tanghali po sa ating lahat. Marami pong Salamat sa imbitasyon na makipagkwentuhan sa inyo. Congratulations po sa Philippine Normal University, sa pangunguna ni Dr. Bert J. Tuga, President, Philippine Normal University, sa Faculty of Arts and Languages sa pangunguna nina Dean Dr. Ruth Alido at Associate Dean Dr. Ali G. Anudin, . Kina Dr. Jennie Jocson, Vice President for Academics, kay Dr. Joel Malabanan at sa Faculty and students na kasama po natin sa oras na ito, para i-celebrate ang National Arts’ Month… sa ating lahat, magandang tanghali po.

Para magmukha akong matalino or academics ang tunog ko, kailangan sigurong mag-quote muna ako: Art is a selective re-creation of reality according to an artist’s metaphysical value-judgments. According kay Ayn Rand sa kanyang Romantic Manifesto (although ayaw ng ilang kritiko sa kanyang prose, lalong ayaw naman ng mga hard core philosopher sa kanyang virtue of selfishness). Sabi pa nya, “It tells man, in effect, which aspects of his experience are to be regarded as essential, significant, important. In this sense, art teaches man how to use his consciousness.”

Siguro, gusto ko pong pag-usapan natin ang relasyon ng art sa pagiging essential, significant at important.

Classic na tanong sa mga kumukuha ng humanities, particular ng arts… kikita ka ba dyan? Anong trabaho mo? May career ka ba dyan? Mas nakakainis pa nga, maririnig natin minsan ang: makakain ba yang art-art na ‘yan.

Siguro, kasi, tayong mga Filipino, halos lahat ng bagay, gusto natin, malapit sa bituka. Hindi na ito nakapagtataka sa mga mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas (Ooopss, maybe we are not poor, perhaps, we are just experiencing negative cash inflow. Or we’re just financially challenged).

Sa reyalidad naman yata, halimbawa, kapag gusto mong mag-major ng literature, itatanong, anong mapapala ko kapag nag-lit major ko?

‘Mae-enlighten ka sa buhay, magkakaroon ka ng insight.’ Tapos?

‘Yun, basta, mae-enlighten ka, magkaka-insight ka?’

Siguro itatanong uli, “tumatanggap ba ang Meralco, Maynilad at PLDT ng insight at enlightenment bilang bayad.”

Saka sunod na maririnig, ‘magastos ang kursong ‘yan’. Bakit nga ba ka-riding in tandem ng art ang pagiging mahal nito or hindi afford ng karaniwang tao. Mahal mag-enroll sa conservatory of music, tapos, gusto mong i-major piano, kaso, ang meron ka lang sa bahay, yung lumang organ ng tatay mo (parang bastos yata) na regalo pa sa kanya ng lolo mo na de baterya pa. Mahal mag-enroll sa ballet at gusto mong mag-ala- Natalie Portman sa Black Swan (ni  kahit sa bahay nyo, kapag tumalon ka, kung hindi ka mauuntog, lulusot ka sa marupok na sahig.  Mahal ang gamit sa Fine Arts, ang kaya mo lang pang-graffiti sa kanto. Feel mo maging soprano, kaya gusto mong mag-major sa voice, pero mukhang pang videoke lang ang powers mo. Gusto mong maging Akira Kurosawa, Lav Diaz, Brillante Mendoza, James Cameron at Steven Spielberg pero sa ngayon, ring light from special sale ng Laz*&%# or Shop&*$%, cellphone na GSM (Galing sa Magnanakaw) at 3 for one hundred na earphone lang ang meron ka, wala pang ibang naniniwala sa talent mo, kaya puro sarili mo muna ang kinukuhanan mo ng video.

So, kung hindi taga-create ng art ang calling mo, baka taga-appreciate ng art. Maging art critique, or scholar kaya ka kukuha ng art studies. The same pa rin ang question, gaya ng mga nauna. Kikita ka ba dyan? Kailangan mo pa ba kumuha ng kursong ganyan kung libreng mag-enroll sa University of Youtube, Pamantasan ng Facebook, Unibersidad ng Wattpad, Kolehiyo ng Tiktok sa pakikipagtulungan ng Uniberso ng Netflix, Google at Wikipedia (kung hindi laging binabago ng kapitbahay mo ang password ng kanilang wifi).

Ito na rin siguro ang sumpa at biyaya ng new media. Na-democratize at na-decentralize ang espasyo at depenisyon na dati, nasa kamay lang ng iilang indibidwal at institusyon, at hindi dito makakaligtas ang akademya.

Dahil sa accessible na halos ang lahat, nagkakaroon ng reintroduksyon, reinterpretasyon, redepinisyon at renegosasyon ng mga salita sa dati at bagong diskurso. Obviously, many of us are not happy with respect to nomenclature, starting to question the imposition of the gatekeepers and ultimately, giving us the opportunity to question the question. Naks, nagmumuklha na akong matalino at nagbabasa.

Siguro makakatulong kung babalikan natin ang sinasabi ng Copenhagen Institute for Future Studies tungkol sa Anarconomy: We are witnessing a pronounced flourishing of free content and services on the internet, created and distributed by the users themselves in voluntary networks according to rather anarchic principles: Wikipedia, open-source software and books, music, films, and design, which the creators make freely available. Sabi pa nga nila, self-expression is the new entertainment.

Mahirap tanggapin na nabawasan ang kapangyarihan ng mga taste-setter, cannon, editors, teachers at kritiko sa usapin ng art. Maliban kasi na hindi na sa teachers humihingi ng affirmation ang mga estudyante kundi sa social media, baka kasi bukas makalawa-mawalan na rin tayo ng trabaho.

Ito ang isa mga himalang nagawa ng Wattpad.

Ito na yata ang panahon ng selfie or ako naman. Na-empower ng teknolohiya ang mga wala sa poder. Nagkaroon ng boses para makalikha ng sariling espasyo. Maigiit ang sarili sa espasyong pag-aari lang dati ng iilan.

Kung paanong dati, mahal ang film, kaya pipiliin at titipirin ng photographer ang kanyang shot… ngayon, unli ang pagkuha. Kung dati, sa mahal ng film, mga celebrity o mga importanteng tao lang ang kinukuhanan ng picture, eh, hindi ka celebrity, hindi ka importanteng tao, eh, ano, hindi ka nila kukuhanan ng litrato, no problem, kunan mo ang sarili mo… mag-selfie. Magsarili… parang bastos.

Kung ayaw kang i-publish ng mga academic journal or literary publishing house… okay lang daw na ilagay sa iba’t ibang platform or mag-self publish. Tutal, ginawa naman daw ni Rizal na i-publish ang sarili nya.

Sabi nga ng isa ring premyadong manunulat na PNUan na si Emman Barrameda:

“…mahalaga ang kritisismo sa panahong ito ng self-publication at self-gratification. kahit sino pwede na magsulat, kahit sino pwede nang mang-impluwensya. kaya mahalaga ang magsuri kahit pa sa online lang bilang platform. napupuna natin yung mga nangangaladkad ng tag line ng “para sa bayan” at “para sa masa” pero at the end of ito, sinasakyan lang ang pagiging makabayan para ilako ang mga akdang hindi naman kakikitaan ng linyang masa. kareristang tunay lang. kaya hangga’t maaari, iumpog sa katotohanan. delikado lalo pa’t may sarili na ring lehiyon ng ganitong panata. Sa huli, dapat itaas ang antas ng pagdidiskurso ng pag-aakda. Hanggang 100 tula kay Stella na lang ba? For sure sa huli, ang gusto pa rin naman nating maiangat ay iyong tunay na mahuhusay, makabayan, at progresibong manunulat. walang espasyo sa panahong ito ang mga echoserong writer!”

Parang kung susumahin si Lenin (yata or yung nakainuman kong tambay sa kanto noong wala pang Covid thing) na ang lahat ng art ay propaganda, pero hindi lahat ng propaganda ay art… nakapagtataka na ang mga nagsasabing para sa bayan ang sinusulat nila, eh, gayong, hindi naman sila binabasa ng bayan, sila-sila rin ang nagbabasa. Isa pa rin po itong problema.

Well, baka kung si Eagleton ang tatanungin, sangkot pa rin dito ang may control ng kapangyarihan, usapin ng creation/production and distribution ng ideas.

Mga sinusulat ni Lang Leav… art ba yan? Dapat ba, mala-Ophelia Alcantara Dimalanta, Krip Yuson, Jimmy Abad or Marjorie Evasco ang peg? Fiction ni Dan Brown, Stephen King, James Michener, John Grisham… Bob Ong, Marcelo Santos at Jonaxxx…art ba ang mga yan sa pananw ng mga kritiko sa akademya? Dapat ba pang-Herta Muller, Edgardo Reyes, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Francisco Arcillana at F. Sionil Jose?

Singer nga ba si Lady Gaga, Willie Revillame at Justin Bieber or sina Pavarotti, Andrea Bocelli lang ang pwedeng tawaging singer. Paano na ang kapitabahay mong gusto mong tulungan maabot kahit isang nota sa kantang ‘Basang Basa sa Ulan’ ng Aegis.

Siguro nga, mataray talaga ang sining. Nasa pedestal. Kaya ba iilan lang ang pwedeng umunawa at umangkin nito?

Pero balik tayo sa pagiging essential, significant at important ng art sa ating mga buhay. Kung sa karaniwang Pinoy, mairaos ang pang-araw-araw na buhay ang mantra… kung may natitira pang puwang para maghanap o gumawa ng kahulugan ng existence, mag-evoke or mag-express ng emotion, at kung kay Ayn Rand nga na mag-re-create ng reality, kung may sobra pang energy, kung may surplus ng oras para tumunganga at magnilay-nilay… ano ang magiging Art ng karaniwang Pinoy? Ayokong maging dialectical-historical materialist pero… kailangan ng puhunan o kapital para makalikha ng art, at matapos nyang makalikha ng art, kailangan nya uli ng kapital o puhunan para makalikha muli, at muli at muli. Sad to say, hindi kasama sa budget sa 4Ps ang kapital sa art. Wala rin sa ayuda. Or kung uutang ka ng 5-6, at tinanong, saan gagamitin ang kapital… “pambili ko lang po ang acrylic, canvas, pinsel, paint brush at iba pang art material…”papautangin ka kaya? So, if ever, sa mga sobra nyang kapital, lakas at oras… malaking bagay sa artist na may kokonsumo ng kanyang gawa. Cliché as it may sound… manggagawa rin ang artist. May kapalit ang kanyang talino, lakas at oras… pero, dito, parang kinokombulsyon ang mga kritiko, na dapat daw, hindi pinagkakakitaan ang art.

Sabi nga ng award winning screenwriter (Soldier’s Heart, Corazon, Santa Santita, Balangiga) na si Jerry Gracio:

“Mid-career writer na ako. Lagpas nang sandosenang pelikula ang naisulat ko. Nasa punto ako ngayon ng paglilimi kung ano pa ang mga kuwentong nais kong ikuwento. Ito marahil ang challenge sa writer: ang huwag huminto, laging pag-isipan ang mga kuwento na kanyang ikukuwento. Nagkukuwento pa rin ako para magkapera, para mabuhay. Wala na akong guilt na nararamdaman tungkol dito. Burgis lang ang magsasabing nagkukuwento sila para ipahayag ang damdamin. Burgis ang notion na hindi dapat magkapera sa sining, hindi dapat pagkaperahan ang sining, lalo na ang pagsulat.”

Hindi pinagkakakitaan ang Art, pero milyon-milyon ang halaga ng art work na kanilang binibili, pinupuntahan sa gallery or museum.

O baka naman, medyo elitist, or academics ang impluwenysa natin sa art, batay sa mga pinag-aaralan natin sa classroom, nababasa sa academic journal na mga sampu o bente ang nagbabasa at sila-sila lang ang nagkakaintindihan sa kanilang jargon.

Lately, karamihan sa mga nanalong pelikula sa academe-based award giving bodies, mga indie films. Art film daw kasi. Tapos, yung mga Pinoy  Film Director na pinapalakpakan sa Film Festivals sa abroad, bakit hindi pinapanood ang mga gawa nila sa Pilipinas? Masyado na bang malayo ang aesthetics ng mga intelektwal, kritiko, iskolar at akademya sa karaniwang Pinoy?

May puwang ba ang Manix Abrera at sina Kevin Eastman and Peter Laird (Ninja Turtles) sa panlasa ng mga kritiko at iskolar ng sining gayong ito ang higit na nakararating sa mas maraming tao?

Teka, teka, baka mahulog naman tayo sa komersyalisasyon, komodipikasyon, ekploytasyon dikta ng neo-kolonisasyon, globalisasyon at liberalisasyon (pansinin… para magtunog tibak o makabayan, damihan ang syon sa sentence, mas marami, mas okay)… na lilikha tayo na may kulay lokal, pero tunguhing global… na sabi nga ng isa kong kaibigan na nagsusulat sa isang serye sa telebisyon, akala daw ng mga network, vendo coffee machine sila, na pasakan lang ng pera, maglalabas na ng instant coffee, pakialam kung nag-back stroke at 15 laps na langoy ang ipis at daga sa container ng tubig.

Eh, paano yan, lahat ba, sining na?

Hindi ako familiar sa ilang anyong sining, pero pwede ko pong i-share ang kaunti kong nalalaman sa pagsusulat. Kapag nagbabasa ako, nag-appreciate ng literary piece, nagdya-judge, Palanca man yan, Ustetika, NSPC, NFOT or anumang contest, nagtuturo sa loob at labas ng akademya, tatlo ang lagi kong hinahanap:

Let’s say, flash fiction or short fiction…

  1. form or anyo—maganda ba ang pagkakasabi– hahanapin ko pa rin ang elements ng fiction, convention, literariness, technique na ginamit ng author…
  2. content- maganda ba ang sinasabi– hahanapin ko pa rin ang dating, bigat, bagsak o dampi ng materyales, halimbawa, bago ang material nya—tungkol sa injustice sa loob ng akademya na mas pinapaburan ang mga may SCOPUS at ISI na publication versus sa mga locally published literary piece
  3. insight or new take—may bago bang sinasabi—matapos kong basahin, nasabi ko bang ‘oo nga, noh, pwede, sabagay… uy ba’t di ko naisip yun’

Pwede kong sabihin na 33.33% ang weight ng bawat isa. May hinahanap ako. May gusto ako. Produkto po ang mga ito ng buhay ko sa loob at labas ng akademya, but it doesn’t mean, ito ang tama, ito lang ang masusunod at ii-impose ko sa iba.

Pero, balik tayo sa kanina pa nating pinoproblema, paano na Art? Lahat ba Art na? Or Dapat ba iilan lang ang pwedeng magtakda kung ano ang art? Pagkakitaan ang art or inilalagay ang art sa pedestal at saka titirikan kandila o aalayan bulaklak sa hapon o hahandugan ng birheng palaka kung madaling araw? Or yung mga katwiran ng mga gumagawa ng art film, pag labas mo sa sinihan, itatanong mo sa gumawa,” ano yung napanood ko”, at ang isasagot nila: “you’re not supposed to understand me, I’m an artist.”

Sa totoo lang, how I wish kaya ko pong sagutin ang misteryong ito, like, paaanong lagi tayong binabaha, pero kapag nagbukas ka ng gripo, ang tulo, malakas pa ang ihi ng pusa, or, ilang dekada nang sinasabi ng mga dambuhalang kartel ng gasolina na nalulugi na sila, pero hindi pa sila nagsasara at bakit, lahat ng mga game show na ang layunin, tulungan ang mga mahihirap, hindi pa nabibigyan ng Nobel Prize… pwede po siguro nating tignan nang ganito:

May camera tayong lahat, nagse-selfie, kanya-kanyang kuha, pero bakit kumukuha pa rin tayo ng professional photographer sa kasal, binyag o malalaking selebrasyon? Wala ba tayong tiwala sa sarili nating kuha?

Laging sinasabi ng mga matatanda na mas magaganda ang kanta noon, but come to think of it, hundreds if not thousands ang na-produce na kanta noon, pero ilan lang ang natira.

Ilang daang serye sa komiks ang sinubaybayan ng mga nauna sa atin, pero ilan lang ba ang natatandaan natin.

Daan-daan na rin ang mga pyesang nanalo sa Palanca, ilan na lang ba ang pinag-uusapan natin.

Ilang daang pelikula na ang napanood natin, pirated mo, youtube, Netflix, or nagbayad… ilan na lang ba ang natatandaan natin.

Siguro, siguro lang po, sa panahong ito, sa dami-dami ng art production, may sariling wisdom ito na alam kung ano ang ititira at mawawala, na baka, question of perspective ang ‘basura’ sa ‘fine art.’ Na aware ang art na kailangan nyang magbigay daan sa iba pang anyong sining, at ang kanyang kamatayan, pagbibigay-buhay sa iba naman… kung hindi ito totoo, baka nagba-Balagtasan, Duplo, Sarswela pa rin tayo sa entablado, sa mga kanto-kanto at plasa.

Siguro, siguro lang po, malaki ang papel ng akademya para suriin ang daynamismo ng sining sa totoong mundo, ang sining na inspirasyon ng science para maging totoo, ang dating pantasya lamang, ang art na nagbibigay ng iba pang pwedeng maging silbi ng engineering o applied or theoretical science, na ang dating gadget na pamalit sa landline phone, pwede palang maging library, telebisyon, radio, battlefield, bangko, sinehan… keeper of memory at knowledge ng kasalukuyang panahon. Na matapos, dalhin sa classroom ang art mula sa real world, pinag-aralan, inunawa, at bigyang-diwa, ibabalik ito sa tunay na mundo, handang sabihin sa mga stake holders ang mga napansin

Siguro, siguro lang po, mahalang maging kritikal at analitikal ang akademya sa ekploytasyon at manipulasyon ng mga nasa kapangyarihan… kung paanong nare-reduce ang art sa simpleng pampatahimik sa bungangerang bills at due dates…

Siguro, siguro lang po, ang art, lumalagpas sa mga pader ng eskwelahan, museo, art gallery… tumatawid sa kalsada, nakikipagpatintero sa mga sasakyan, pansamantalang sisilong sa mga overpass at skyway, katabi ng mga street dweller, dadako sa mga pondahan, inuman, tambayan sa mga kanto-kanto, susuot sa mga madidilim, masisikip, maputik na esknita, tutuloy sa bahay na mas marami pa ang bintana kaysa dingding, tatabi sa naghihilik na isip at bitukang di makaidlip…

Sa kwentuhan namin ni Pareng Manix Abrera, creator ng ‘KikoMachine’ series sa PDI, nang mag-defend daw ng trabaho (thesis) ang kaibigan nyang visual artist sa UP, nagtanong ang panelist ng ganito: art ba ito? Sumagot daw ng kaibigan nya ng ganito: Artist po ako, kaya Art po ang gawa ko.

Maraming Salamat po!