Filipiniana

“25 POSIBLENG HANASH SA DARATING NA MGA ONLINE CLASS” ni Eros S. Atalia

/ 11 August 2020

Hindi naman natin pinangarap malagay tayong lahat sa ganitong sitwasyon. Parang mga post-apocalyptic or dystopic na kwento lang ang peg. Naku, baka yung iba nga, nagsisisi sa kaka-mantra na ‘sana walang pasok, sana walang pasok’ at ‘super long week-end, super long week-end.’ Basta, isang araw, nagising na lang tayong hindi na pwedeng pumasok sa school. May mga naiwang gamit sa classroom o locker, may mga di na-settle na usapin sa kaeskwela, teacher or lovelife. Parang walang closure. Daming naiwan nang ganoon na lang. Tapos, ngayon, ilang tumbling at cartwheel na lang, simula na naman ng klase pero hindi ng pasukan. Dahil may mga school, ang io-offer na klase, online. Kaya narito ang 25 posibleng hanash sa darating na online class:

  1. Pwedeng magklase nang hindi naliligo at nagsisipilyo (sa iba, hindi na ito bago)
  2. Nakaka-miss ang allowance na bigay ng parents mo kahit lagi’t laging kapos
  3. Magsu-suspend kaya ng online class kapag may storm signal sa inyong lugar?
  4. Pagsosootin ka pa rin kaya ng teacher mo ng school ID?
  5. Kapag di ka makasagot sa online class, mariririnig mo pa kaya yung ‘Get Out!’
  6. Paano na ang board work sa Math (na minsan, tama ang sagot mo kahit mali ang solution)?
  7. Nakaka-miss ang ulam sa canteen at sa mga karinderya sa paligid ng campus
  8. Okay pa rin kaya sa online class yung ‘may I go out?’?
  9. Pwede mo nang titigan si crush sa buong period nang hindi ka magmumukhang hopeless romantic or stalker or simpleng bastos
  10. Nakaka-miss yung eksenang after fifteen minutes na hindi dumating ang teacher, pwede nang lumabas
  11. Mapapatawag ka pa rin kaya sa guidance or principal office kapag lagi kang late or wala sa online class?
  12. Mami-miss mo ang trapik, baha, balyahan at sabit sa sasakyan… pwamis
  13. Hindi ka na makakagawa ng meme gaya ng ‘palagay nyo sa amin, may gills?’, ‘basta estudyante, imortal’
  14. Teka… teka… teka… may flag ceremony pa rin kaya bago magsimula ang first period kasunod ay exercise?
  15. Hahanap-hanapin mo ang tunog ng bell
  16. May maglilista kaya ng ‘noisy’?
  17. Mami-miss mo kung anong araw ka naka-assign na maging cleaner
  18. Mami-miss mo ang election para sa classroom officer
  19. Kelan mo kaya uli mariririnig ito: “Classmates, respeto naman!”
  20. Pramis, hahanap-hanapin mo ang pagbati ng ‘Good morning po, ma’am/sir’ kapag may teacher kang nakakasalubong
  21. Mami-miss mo ang tambayan ng tropa na saksi sa wantusawa nyong tawa, iyak, luha, halakhak at pilyong bulungan
  22. Walang guard na sisita sa uniform, kulay/haba ng buhok at ID mo
  23. Paminsan-minsan, okay rin palang pinapagalitan nina Sir at Ma’am
  24. Ito na yata ang sinasabi nilang ‘hindi lagi sa apat na sulok ng classroom nagaganap ang pagkatuto’, pwede rin pala sa kwarto mo, ilalim ng hagdan, sala, kusina, balkonahe, bakuran (wag lang lalabas lalo na’t hindi ka pa 21 anyos at walang quarantine pass)
  25. May mas malaki pa palang isyu kaysa sa isinisenti mo, gaya ng nangyayari ngayon sa buong mundo

P.S.

Higit pa sana sa 25 ang isusulat ko, pero naisip ko ang “25. May mas malaki pa palang isyu kaysa sa isinisenti mo, gaya ng nangyayari ngayon sa buong mundo”