WV HURDLER BINURA ANG PALARO RECORD
BINASAG ni Mico Villaran ng Western Visayas ang 15-taong Palarong Pambansa record sa secondary boys’ 110-meter hurdles event kahapon sa Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium sa Laoag, Ilocos Norte.
Nagtala ang pambato ng Romanito Maravilla National High School ng 14.00 segundo para kunin ang gold at burahin ang dating Palaro record na 14.68 segundo ni Patrick Unso noong 2010.
Ayon kay Villaran, nakuha niya ang ikatlong sunod na gold at ang bagong record sa nasabing event dahil sa matinding ensayo sa ilalim ni head coach Miguel Arca.
“We are so happy because after how many years we got the record and I want to credit my coaches for it,” ani Villaran. “Our hard work of training for long hours has paid off with this win.”
Nagkasya naman si Mark John Paculanang ng Central Visayas sa silver sa naisumiteng 14.32 segundo habang si Charles James Villapaña ng Region X ang nag-uwi ng bronze na may 14.75 segundo.
Gumawa rin ng Palarong Pambansa rekord ang pambato ng Western Visayas na si Josh Gabriel Salcedo sa secondary boys’ discus throw event noong Lunes ng gabi.
Nakopo ng tubong Valderrama, Antique na si Salcedo ang gold nang magtala ng bagong Palaro record na 45.52 meters throw, na sumira sa 42.86 meters na itinala ni Airex Villanueva sa Marikina City noong 2023.
Record breaker din si Alfred Talplacido ng Central Luzon sa secondary boys’ 400m race sa kanyang 48.10 seconds para basagin ang 48.7 mark ni Jomar Udtohan noong 2014.
Nakasungkit din ng gold si Cris Ivan Domingo ng NCR sa elementary boys’ 400m matapos daigin sina Efren Gempeson ng Western Visayas at Keian Penaso ng Region 12.
Pasiklab din ang NCR sa gymnastics matapos kumopo ng apat na gold sa In boys’ cluster 1 horizontal bar, cluster 1 vaulting table, cluster 1 floor exercise, at cluster 2 (combined IAA scores).
Nasungkit naman ni Arman Hernandez ng Don Carlos Village Elementary School ang apat na gold medals sa horizontal bar, vaulting table, at floor exercise habang pinangunahan nito ang team championship kasama sina Deen Gungob at Kizz Gungob.
Kumopo rin ng ginto ang NCR sa table tennis mula kina Farhana Abdul, Kaira Agreda, Christine Golez, at J-an Sanchez sa secondary girls’ event at kina Jebb Datahan, Carlos Docto, Emmanuel Paculba, at Emmanuel Yamson sa secondary boys.
Nakuha naman ng pamangkin ni Tokyo Olympics gold medal winner Hidilyn Diaz na si Matthew ang gold sa secondary boys’ 48kg division sa binuhat na 73kg sa snatch at 93 kg sa clean and jerk.