Overtime

V-LEAGUE: ADAMSON WINALIS ANG ATENEO

8 September 2025

MAGAAN na dinispatsa ng Adamson University Lady Falcons ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-22, 25-17, 25-11, sa pagtatapos ng eliminasyon ng 2025 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena Events and Sports Center sa Maynila.

Tinapos ng Lady Falcons ang elims na may 7-0 kartada at papasok sa semifinals na puno ng kumpiyansa mula sa matitinding laro nina Alas Pilipinas star Shaina Nitura, Abby Segui, at Frances Mordi.

Nanguna si Nitura sa panalo sa pagkamada ng 24 puntos mula sa 21 attacks,  9 excellent digs at 9 excellent reception para sa Lady Falcons.

Nagdagdag si Mordi ng 14 puntos at solidong depensa, habang may 8puntos si Segui. Umiskor din ng 5  puntos si setter Fhei Sagaysay kasabay ng 22 excellent sets, habang pinatatag ni Juris Manuel ang depensa sa likod sa 9 digs at 9 receptions.

“Yung teamwork talaga yung naging difference — on how they play as one. May mga lapses pa rin during the situation na may pressure and tough times, pero lagi ko rineremind na always need mag-respond in every situation kasi the more na nandoon tayo sa tough times, the more that we’ll stick together,” ani head coach JP Yude.

Bagsak naman sa 1-5 ang Ateneo, na pinangunahan ni Zey Pacia na may 10puntos.

Samantala, pinalakas ng Arellano University Lady Chiefs ang tsansa nilang makapasok sa semifinals matapos magwagi kontra Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-14, 23-25, 25-22, 26-24.

Umangat sa 3-3 kartada ang Lady Chiefs sa ika-apat na puwesto sa tulong nina Laika Tudlasan na may 19puntos, at Sam Tiratira na may 16 puntos, kabilang ang match-clinching block.

“Masaya kami dahil tinalo namin ‘yung Letran kasi contender ‘yan sa NCAA ‘eh. Sabi ko sa players ko nasa kanila yan kung ano gusto natin mangyari sa game natin — kung gusto ba natin mag-extend season natin. Lahat ng ito, dahil sa players namin ito,” ani coach Obet Javier.

Pinangunahan ni Judiel Nitura ang Lady Knights na may 22 puntos, habang may 15 puntos si Vanessa Sarie sa pagkatalo. Laglag sila sa 3-4 kartada.