UST MAINIT ANG SIMULA SA UAAP
SINANDIGAN ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang presensiya ni Collins Akowe upang magaan na dispatsahin ang University of the Philippines Fighting Maroons, 87-67, sa UAAP Season 88 men’s basketball kahapon sa UST QPav sa Manila.
Kumamada ang rookie foreign student-athlete ng 29 points, mula sa 9-of-15 field goal shooting at 11-of-21 free throw shooting, 17 rebounds, 1 assist, 1 steal, at 1 block para sa Growling Tigers.
Nagdagdag si Kyle Paranada ng 18 points, 14 mula sa first half, habang nagtala sina Nicael Cabañero at Angelo Crisostomo ng 9 at 8 puntos ayon sa pagkakasunod, para sa UST.
Agad na nag-init ang opensa ng Growling Tigers sa first half sa pangunguna ng outside shooting ni Paranada at inside baskets ni Akowe tungo sa 57-43 abante sa halftime.
Nagparamdam ang Fighting Maroons sa second half nang ibaba ang hinahabol hanggang 7 puntos bago muling kumawala ang Growling Tigers sa likod ng dominasyon ni Akowe sa ilalim.
Kumamada si Mark Belmonte ng 12 points para sa nagdedepensang Fighting Maroons habang may tig-11 points sina Harold Alarcon at Jacob Bayla.
Samantala, sumandal ang National University Bulldogs sa matinding third quarter run upang pataubin ang University of the East Red Warriors, 72-57, para sa mainit na panimula sa torneo.
Nagbida si Jake Figueroa sa kanyang 16 puntos, habang nagdagdag sina Paul Francisco at Kenshin Padrones ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Bulldogs.
Mula sa maliit na 39-34 bentahe sa halftime, pinakawalan ng NU ang isang 14-1 run sa simula ng ikatlong yugto. Nagpasiklab sina Omar John at Figueroa sa magkakasunod na dunk bago kumana si Figueroa ng tres upang palobohin ang bentahe sa 53-35.
Hindi na binitawan ng NU ang kontrol hanggang dulo, habang nag-ambag sina Tebol Garcia, Angelo Santiago, at CJ Palacielo upang umabot sa 23 puntos ang kalamangan sa gitna ng ikaapat na yugto.
Noong Sabado, dinaig ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang Far Eastern University Tamaraws, 86-83, habang pinataob ng De La Salle University Green Archers ang Adamson University Falcons, 60-58.