UP BALIK SA FINALS; LA SALLE HUMIRIT NG ‘DO OR DIE’
BALIK sa finals ang University of the Philippines Fighting Maroons makaraang maungusan ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 82-81, sa UAAP Season 88 men’s basketball Final Four kagabi sa Araneta Coliseum.
Isang three-pointer ni Terrence Fortea sa huling 45 segundo ng laro ang nagbigay sa Fighting Maroons ng isang puntos na kalamangan bago nila pinigilan ang atake ng Growling Tigers sa huling segundo.
Tumapos si Fortea na may walong puntos, kabilang ang dalawang three-pointer, 6 assists at 5 rebounds para sa UP, na umabante sa UAAP Finals sa ikalimang sunod na taon.
Nanguna si Harold Alarcon sa kanyang 22 puntos, kabilang ang 10-of-12 free throw shooting, habang nagdagdag si Francis Nnoruka ng 19 puntos at 9 rebounds para sa Fighting Maroons.
Nagbuhos si Nicael Cabañero ng 24 puntos para manguna para sa Growling Tigers, nagdagdag si Angelo Crisostomo ng 15 marka, habang may 11 at 10 marka sina Collins Akowe at Kyle Paranada, ayon sa pagkakasunod.
Ito na rin ang nagsilbing huling collegiate game para kina Cabañero, Paranada, Rence “Forthsky” Padrigao, Echo Laure, at Leland Estacio matapos na masibak sa kontensiyon ang UST.
Samantala, nanatiling buhay ang pag-asa ng De La Salle University Green Archers na makabalik sa finals matapos na humirit ng 87-77 panalo kontra top-seed National University Bulldogs.
Nanguna si Jacob Cortez sa kanyang 13 puntos, nagdagdag si Muchael Phillips ng 12 marka, habang kumonekta ng 11 at 10 puntos sina EJ Gollena at Vhoris Marasigan, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala si Jake Figueroa ng 20 puntos para pangunahan ang Bulldogs, habang may 12 puntos naman si Omar John.
Nakatakda ang winner-take-all game sa pagitan ng Green Archers at Bulldogs sa Sabado sa kaparehong venue.