UAAP: REMOGAT BUMIDA SA PANALO NG UP VS UE
NAGING tinik sa lalamunan ng kanyang dating koponan si Rey Remogat matapos pangunahan ang University of the Philippines Fighting Maroons sa 92-75 panalo kontra University of the East Red Warriors sa UAAP Season 88 men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum.
Tumabo ang tubong General Trias, Cavite ng 21 points, kabilang ang anim na three-pointer, 10 assists, 6 rebounds, at 2 steals para tulungan ang nagdedepensang kampeon na umangat sa 1-2 kartada.
Mula sa pagkakaiwan sa 9-17 sa kaagahan ng laro, bumanat si Remogat ng isang four-point play at sinundan pa ito ng dalawang tres upang kunin ang 27-20 abante para sa UP.
Hindi natigil ang mainit na kamay ni Remogat sa second quarter at nagdagdag ng 8 points upang palobohin ang kalamangan ng UP sa 53-36 bago ang halftime. Umabot pa ito sa 28 puntos sa second half.
Kapwa nagtala ng double-double sina Francis Nnoruka at Isagani Stevens na may tig-14 points at 10 rebounds, habang nag-ambag si Gerry Abadiano ng 11 puntos para sa Maroons.
Nanguna naman para sa UE sina Precious Momowei at Wello Lingolingo na may tig-18 points, habang nagtala ng 15 si John Abate at 10 si Jhon Jimenez, subalit hindi pa rin nakaiwas sa pagbagsak sa 0-3 kartada.
Samantala, nag-init si Jadem Lazo sa fourth quarter upang igiya ang Ateneo de Manila University Blue Eaglez sa panalo laban sa Adamson University Falcons, 77-58, at manatiling walang talo.
Bitbit ang manipis na 51-48 kalamangan matapos ang tatlong quarters, pinangunahan ni Lazo ang 9-1 run ng Blue Eagles sa simula ng ikaapat na yugto para itaas ang lamang sa 60-49. Nasundan pa ito ng tres mula kay Jared Bahay at dalawang sunod na long bomb ni Lazo na nagbigay ng pinakamalaking abante sa 71-52.
Tumapos si Lazo na may 15 puntos, 13 dito ay ginawa sa huling quarter. Nanguna naman sa opensa si Divine Adili na may 16 puntos, habang nagdagdag si Kymani Ladi ng 14 at si Ian Espinosa ng 11 para sa Ateneo, na umangat sa 3-0 kartada.
Bumagsak sa 1-2 ang Adamson kahit pa nagpasiklab si Matthew Erolon na kumamada ng 23 puntos mula sa pitong tres.