Overtime

UAAP: LADY BULLDOGS RUMESBAK, TUMATAG SA NO. 2 SPOT

29 March 2026

PINAGBALINGAN ng ngitngit ng defending champion National University Lady Bulldogs ang Ateneo de Manila University Blue Eagles, 25-19, 25-16, 25-15, sa UAAP Season 88 women’s volleyball tournament kahapon sa UST Quadricentennial Pavilion.

Ang panalo ay pambawi ng Lady Bulldogs sa masakit na five-set loss kontra Far Eastern University Lady Tamaraws noong nakaraang Linggo.

Kumamada si Arah Panique ng 13 puntos mula sa 12 atake at isang block, habang nag-ambag si rookie Sam Cantada ng 13 markers para sa Lady Bulldogs na tumatag sa Ikalawang puwesto na may 7-3 kartada.

Nagbida si Zel Tsunashima para sa Blue Eagles sa kanyang siyam na puntos, habang may walong marka naman si rookie Dona Mae de Leon. Laglag sila sa 1-9 kartada.

Samantala, pinatatag ng Adamson University Lady Falcons ang kapit sa ikaapat na puwesto matapos walisin ang University of the East Lady Warriors, 25-15, 25-18, 28-26.

Pinangunahan ni Frances Mordi ang Lady Falcons sa kanyang 18 puntos mula sa 16 atake, isang block, at isang service ace. Nag-ambag si Shaina Nitura ng 13 puntos at umangat ang koponan sa 6-4.

Ito na ang ikalawang sunod na panalo ng Adamson.

Bagama’t natapos sa straight sets ang laban, hindi naging madali ang panalo para sa Lady Falcons. Mula sa pagkakaiwan sa 8-16 sa ikatlong set, nagpakawala sila ng matinding ratsada upang baligtarin ang takbo ng laro at tuluyang tapusin ang UE sa tatlong sets.

Ayon kay Lady Falcons head coach JP Yude, ang naging performance nila sa third set ang patunay na kailangan pa nilang pinuhin ang kanilang laro tungo sa krusyal na parte ng torneo.

“I believe naman sa mga bata on how they respond sa ganoong sitwasyon, unti-unti nag-grow naman sila. Binigyan talaga kami ng magandang laban ng UE, appreciate din namin sila kasi nabuild ‘yung character namin during that set,” ani Yude.

Samantala, nanatiling walang panalo ang Lady Warriors matapos ang 10 laban at tuluyan nang nasibak sa kontensyon para sa Final Four. Nanguna sa UE si Khy Cepada na may 14 puntos.