Overtime

UAAP: LADY BULLDOGS BALIK ANG BANGIS

Mga laro sa Sabado (Smart Araneta Coliseum) 9 a.m. - UE vs UST (Men) 11 a.m. - AdU vs FEU (Men) 1 p.m. - UE vs UST (Women) 3 p.m. - AdU vs FEU (Women)

10 April 2025

BALIK sa porma ang  National University Lady Bulldogs makaraang pataubin ang University of the East Lady Warriors, 25-8, 25-22, 25-12, sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament nitong Miyerkoles sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nagbuhos si Mhicaela Belen ng 16 points, kabilang ang 14 attacks at 2  service aces, na sinamahan ng 13 excellent digs at 8 excellent receptions upang pangunahan ang Lady Bulldogs.

Nag-ambag sina Aisha Bello at Evangeline Alinsug ng tig-9 points, habang tumapos sina Celine Marsh at Erin Pangilinan na may tig-7 points para sa NU, na umangasa 10-2 kartada matapos na bumawi mula sa pagkatalo sa Adamson University Lady Falcons noong Linggo.

Muling nagarahe si Alyssa Solomon para sa nagdedepensang Lady Bulldogs dahil sa iniindang mild ankle sprain injury.

“Lagi ko lang ni-remind ‘yung team na dapat ‘yung mga susunod na laro namin, dapat ‘yung performance namin mataas hindi porke  ‘yung kalaban namin is lower-ranked team, mababa na rin ‘yung performance namin,” sabi ni Belen.

Nagtala naman sina Khy Cepada, Nessa Bangayan, at Risa Nogales ng  tig-6 points para banderahan ang puntusan sa Lady Warriors, na nanatiling walang panalo  sa 0-12.

Samantala, namayani ang Far Eastern University Lady Tamaraws (8-4) kontra Ateneo de Manila University Blue Eagles (4-8), 25-23, 22-25, 25-22, 25-13. Nanguna si Faida Bakanke na may 19 points para sa FEU.

Sa men’s division, nakopo ng NU Bulldogs (10-2) ang ikalawang Final Four incentive matapos ang 25-21, 25-17, 25-16 pagwalis sa UE Red Warriors (0-12). Nagtala si Michaelo Buddin ng 17 points para sa NU.

Dinomina naman ng FEU Tamaraws (11-1) ang Ateneo de Manila University Blue Eagles (6-6), 25-21, 25-19, 23-25, 25-23. Pasiklab si rookie Amet Bituin sa kanyang 17 puntos para sa FEU.