Overtime

TIGRESSES BAGONG REYNA SA UAAP FENCING

27 April 2025

TINULDUKAN ng University of Santo Tomas Lady Fencers ang limang taong dominasyon ng University of the East Lady Warriors matapos pagreynahan ang UAAP Season 87 Women’s Fencing Championship Biyernes ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.

Sinelyuhan ng Lady Fencers ang kanilang kauna-unahang UAAP women’s overall fencing championship makaraang  paluhurin ang Lady Warriors sa women’s sabre finals, 45-40.

“This doesn’t feel real honestly right now po talaga, somehow hindi pa rin po siya nag-pa-process sa ‘kin eh. Although I knew po talaga na, before the preparation po talaga, we can do it po,” pahayag ni Season MVP Jannah Catantan.

“Well, it was still hard kasi ‘yung last match pa po talaga ‘yung nag-determine kung champions po kami pero I’m just happy po na nag-champion na po kami,” dagdag pa niya.

Tinapos ng UST ang kompetisyon na may tatlong ginto, tatlong pilak at isang tanso, habang pumangalawa ang UE na may tig-dadalawang ginto, pilak, at tanso. Nasa ikatlo ang University of the Philippines na may isang ginto, isang pilak, at apat na tanso.

Hindi naman napigilan ang UE Red Warriors na sikwatin ang ika-11 sunod na men’s overall crown, habang nasa ikalawa at ikatlong puwesto ang UP at De La Salle University.

Dinomina rin ng mga pambato ng UE ang juniors competition matapos hamigin ng boys’ team ang kanilang ika-13 dikit na titulo at iuwi ng girls’ team ang ika-12 sunod na tropeo. ADRIAN STEWART CO