TIGERS SWAK SA UAAP FINAL FOUR
Mga laro sa Miyerkoles: (Smart Araneta Coliseum) 1:30 p.m. – UST vs FEU 4:30 p.m. – Ateneo vs DLSU
SINELYUHAN ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang ikalawang sunod na Final Four appearance matapos ang 80-71 panalo laban sa National University Bulldogs sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos na malamangan ng Bulldogs sa 48-39 sa kaagahan ng third quarter, nagpaulan ang Tigers ng tres mula kina Kyle Paranada at Amiel Acido at baskets ni Angelo Crisostomo para sa 58-53 abante.
Pinalawig pa ng Growling Tigers ang kanilang kalamangan sa 13 puntos sa fourth quarter matapos ang mga tres ni Crisostomo at inside hits ni Paranada tungo sa pagselyo ng ikatlong sunod na panalo.
Nagbuhos si Crisostomo ng 13 puntos, habang kumana ng tig-11 marka sina Acido, Mark Llemit, at Collins Akowe para sa Growling Tigers na umangat sa 8-5 kartada.
Nanguna si Omar John sa kanyang double-double na 12 puntos at 11 rebounds, habang may 10 marka si Nathaniel Tulabut para sa Bulldogs, na nanatili sa unahan sa kanilang 11-3 marka.
Samantala, nanatiling buhay ang Final Four hopes ng Ateneo de Manila University Blue Eagles matapos sibakin ang Adamson University Soaring Falcons, 72–61.
Kontrolado ng Blue Eagles ang laro sa halos kabuuan at umabot pa sa 16 ang kanilang abante, may 2:46 na lang ang nalalabi, matapos ang tres ni Waki Espina.
Agad namang bumawi si Matty Erolon para sa Falcons sa pamamagitan ng sariling three-pointer upang ibaba sa 13 ang lamang pagpasok ng huling dalawang minuto.
Sinubukan pang sumigla ang Adamson sa endgame, ngunit hindi pumasok ang kanilang mga tira mula sa labas sa huling minuto. Hawak ang 72–59 na lamang, inubos na lang ng Ateneo ang oras.
Pinangunahan ni Dom Escobar ang Blue Eagles sa kanyang 14 puntos, habang tumipa ng tig-13 sina Kymani Ladi at Espina, na may 3 assists at 3 steals para hiranging Best Player of the Game.
Para sa Adamson, kumamada si Erolon ng 24 puntos at nag-ambag si Ray Allen Torres ng 16.