TIGERS, BULLDOGS NANAKMAL SA UAAP
WINAKASAN ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang isang dekadang dominasyon ng De La Salle University Green Archers matapos ang 93-84 panalo sa UAAP Season 88 men’s basketball kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagbuhos si Nicael Cabañero ng 27 points, 6 rebounds, 1 assist, 1 steal, at 1 block upang pangunahan ang pag-angat ng Growling Tigers sa 2-0 kartada.
Kumamada si rookie Collins Akowe ng double-double 20 points at 19 rebounds, habang nagdagdag sina Amiel Acido at Rence Padrigao ng 13 at 12 points, ayon sa pagkakasunod, para sa UST, na huling nanalo kontra DLSU noong 2015.
Napag-iwanan ng hanggang 12 points sa kaagahan ng laro, unti-unting humabol ang Growling Tigers sa pangunguna nina Padrigao, Akowe, Cabañero, at Kyle Paranada para itabla ang iskor sa 79-all.
Nagpatuloy ang momentum ng Growling Tigers nang itala ang 85-79 bentahe mula sa baskets nina Paranada at Acido bago pinalawig ang abante sa 11 points mula sa inside hits nina Akowe at Cabañero.
Nanguna si Jacob Cortez na may 17 points habang nagdagdag si Earl Abadam ng 11 para sa Green Archers, na nahulog sa 1-1 marka.
Samantala, nalusutan ng National University Bulldogs ang paulit-ulit na paghabol ng Far Eastern University Tamaraws upang kunin ang 84-68 panalo tungo sa 2-0 kartada.
Umabot ng hanggang 15 points ang kalamangan ng NU sa first half, ngunit naibaba ng Tamaraws sa walo ang agwat, 73-65, matapos ang tira ni Janrey Pasaol, mahigit dalawang minuto pa ang nalalabi.
Ngunit agad sumagot ang Bulldogs sa pamamagitan ng mga atake sa loob nina PJ Palacielo at Jake Figueroa, at sinundan pa ng tres ni Jedric Solomon upang maitala ang pinakamalaking lamang na 16 points.
Bumida si Omar John para sa Bulldogs sa kanyang 16 points mula sa 7-of-11 shooting, at 9 rebounds, habang nag-ambag ng tig-13 points sina Jolo Manansala at Jake Figueroa.