Overtime

SSL: FIGHTING MAROONS NALUSUTAN ANG TIGERS

22 September 2025

GINULANTANG ng University of the Philippines Fighting Maroons ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 25-22, 18-25, 25-19, 18-25, 15-13, sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Kumamada si Casiey Dongallo ng 20 points mula sa 18 attacks, 1 block, at 1 service ace, upang mapiling Player of the Game para sa Fighting Maroons.

Nag-ambag  si Niña Ytang ng 15 points mula sa 10 attacks at 5 blocks, habang umiskor sina Kianne Olango, Bien Bansil at Jelai Gajero ay umiskor ng tig-9 points  para sa UP.

Nasa bingit na ng pagkatalo matapos mapag-iwanan sa 9-13 iskor sa huling bahagi ng ikalimang set, nagpakawala ang Fighting Maroons ng 6-0 scoring run sa pangunguna ni Dongallo upang sikwatin ang panalo.

“Siguro nandoon na ‘yung ibinibigay na confidence ng mga seniors namin at mga coaches. Kasi noong pumasok na sina Ate Nina and Ate Irah (Jaboneta), sinasabi nila sa amin na ilaban lang, kahit na lamang sila basta pusuan namin at tibayan namin,” ani Dongallo.

“Naka-boost ng confidence namin sa loob na nadoon ‘yung seniors namin nakagabay sa amin and sa mga coaches namin,” dagdag pa ni Dongallo, na tumawid mula sa University of the East Lady Warriors noong nakaraang taon.

Samantala, pinigilan ng Arellano University Lady Chiefs ang matinding pagbalik ng Jose Rizal University Lady Bombers para makalusot sa debut match sa Pool B,  25-19, 25-18, 23-25, 16-25, 15-10.

Nagpasiklab ang rookie na si Cassey Florida sa kanyang 19 puntos mula sa 17 attacks at 2 aces para pangunahan ang Lady Chiefs, na tinablahan ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa 1-0 sa Pool B.

“Mostly nag-relax kami kasi feel namin madali lang para sa amin. Kasi ‘yung first set and second set medyo relax lang kami dun. Then buti nakabawi,” ani Florida.

Bumangon naman ang University of Perpetual Help Lady Altas mula sa isang set na pagkakaiwan upang talunin ang San Sebastian College Lady Stags, 30-32, 25-16, 25-16, 25-18, sa Pool D match.

Pinangunahan ni Shaila Omipon ang Lady Altas na may 15 puntos, kabilang ang 14 mula sa atake, habang nagdagdag sina Cyrille Almeniana at Jaz Lagmay ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.