SENADO, HANDANG MULING MAGHEARING SA ISYU NG PATAFA AT NI OBIENA
HANDA si Senate Committee on Sports Chairman Christopher 'Bong' Go na muling magpatawag ng pagdinig para ayusin ang isyu sa pagitan ng PHilippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at ng atletang si EJ Obiena.
Sinabi ni Go na inaasahan niyang sasagutin ng board members ng PATAFA ang ipinalabas nilang show cause order anumang araw ngayong linggo kung bakit hindi sila dapat i-contempt kasunod ng hindi pagtupad sa atas ng kumite na pag-usapan ang problema kay Obiena.
“Ako naman po nagpadala na kami ng sulat, show cause order na iexplain kasi meron pong isinulat ang kasamahan ko sa kumite na icite them for contempt,” paliwanag ni Go sa isang ambush interview.
“Ako naman po bilang chairman at namamagitna, I’m always fair to everybody. Nagorder po ako ang show cause order to give them 3 days to explain kung dapat sila icontempt. Kung kailangan ng hearing uli ay magpapatawag tayo ng hearing at di ako titigil na makabalik sa maayos na relasyon ang dalawang panig,” dagdag ng senador.
Iginiit pa ni Go na kailangang matapos na ang isyu upang makapag-perform na rin ng maayos ang atleta.
“Nakasalalay dito ang honor ng ating bayan. May kanya-kanya silang dahilan kung bakit hindi sila magkasundo. For the nth time I am appealing po sa lahat magkaisa kayo alang alang sa ating bayan.” diin ni Go.