SEMIS BONUS SA LADY SPIKERS
Mga laro sa Sabado (Smart Araneta Coliseum) 10 a.m. - NU vs UST 12 noon - FEU vs DLSU 2 p.m. - NU vs FEU 6 p.m. - DLSU vs UST
NASIKWAT ng De La Salle University Lady Spikers ang twice-to-beat incentive sa UAAP Season 87 women’s volleyball Final Four makaraang pataubin ang University of Santo Tomas Golden Tigresses,
23-25, 25-20, 30-28, 29-27, kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nanguna si Angel Anne Canino na may 24 puntos, mula sa 19 atake, apat na blocks, at isang service ace, kasama pa ang 12 excellent receptions at 10 excellent digs para sa Lady Spikers.
Nagdagdag si Shevana Laput ng 22 puntos, kabilang ang 19 na atake, dalawang blocks, at isang service ace, habang nag-ambag sina Alleiah Malaluan at Amie Provido ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa DLSU.
Matapos ang dikitang talo sa unang set, mainit ang naging panimula ng Lady Spikers sa ikalawang set tungo sa 20-14 abante. Humabol ang Golden Tigresses sa 18-20, ngunit sumagot ang DLSU ng limang sunod na puntos para itabla ang set count.
Nagawang makalamang ng Golden Tigresses sa 19-14 sa ikatlong set, ngunit bigo nila itong maprotektahan nang puwersahin ng Lady Spikers ang tabla sa 28-all bago tinapos ang set sa dalawang sunod na hampas ni Canino.
Kapareho sa third set, lumamang din ang Golden Tigresses sa 22-17 sa ikaapat na set, ngunit muling bumawi ang Lady Spikers para sa 27-all score bago tinapos ang laban sa palo nina Lilay del Castillo at Laput.
Nagbida si Angeline Poyos sa kanyang triple-double na 24 puntos, 13 excellent digs, at 12 excellent receptions, habang nag-ambag ng 12 puntos si Regina Jurado para sa Golden Tigresses.