Overtime

SECOND ROUND NG ELIMS WINALIS NG LADY BLAZERS

31 May 2025

MAGAAN na dinispatsa ng College of St. Benilde Lady Blazers ang Lyceum of the Philippines Lady Pirates, 25-20, 25-18, 25-12, sa pagtatapos ng double-round eliminations ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa Playtime Filoil Centre sa San Juan.

Hataw si Zamantha Nolasco sa pinakawalang 12 points, mula sa siyam na atake at tatlong blocks, para mapiling Player of the Game para sa Lady Blazers, na may twice-to-beat incentive sa Final Four round.

Nag-ambag  sina Clydel Catarig at Aya Densing ng 9 at 8 points, ayon sa pagkakasunod, para sa nagdedepensang Lady Blazers, na winalis ang lahat ng kanilang laro sa second round ng elims tungo sa 16-2 kartada.

“Magandang preparation itong laban na ito para sa Final Four round against Mapua (University Lady Cardinals). Kahit na no-bearing game, maayos pa din ang laro nila,” ani Lady Blazers coach Onyok Getigan.

Nanguna naman si Johna Dolorito na may 10 points para sa Lady Pirates, na tinapos ang kanilang kampanya na may 8-10 record.

Sa men’s division, tinuldukan ng Lyceum of the Philippines University Pirates ang kanilang season sa pamamagitan ng 25-20, 15-25, 25-23, 23-25, 17-15 panalo sa College of St. Benilde Blazers.

Nagbida sa opensa si Jun Edang na may 29 points, kabilang ang  27 na atake at dalawang blocks, habang nagdagdag si Isaiah Chrys Santos ng 18 points para sa Pirates.

Nagtala si Kian Moral ng double-double na 20 excellent digs at 20 excellent receptions para sa Pirates, na tinapos ang kanilang kampanya na may 3-15 kartada.

Nanguna sina Dexter Granadia at James Harold Marasigan na may 17 at 16 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Blazers, na papasok sa Final Four round ng may twice-to-beat advantage.