Overtime

SARNO PASOK SA PARIS OLYMPICS

PASOK na rin si Filipino weightlifter Vanessa Sarno sa Paris Olympics ngayong taon kasunod ng kanyang kahanga-hangang performance sa women's 71kg event ng IWF World Cup noong Linggo ng gabi sa Phuket, Thailand.

9 April 2024

PASOK na rin si Filipino weightlifter Vanessa Sarno sa Paris Olympics ngayong taon kasunod ng kanyang kahanga-hangang performance sa women’s 71kg event ng IWF World Cup noong Linggo ng gabi sa Phuket, Thailand.

Si Sarno, 20, na pinaniniwalaang susunod sa mga yapak ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz, ay nagtala ng bagong Philippine record sa snatch category makaraang bumuhat ng 110kg upang burahin ang kanyang naunang record na 108kg na kanyang naitala noong nakaraang taon.

Ang two-time SEA Games gold medalist ay bumuhat din ng 135kg sa clean and jerk upang maitala ang total lift na 245kg, at tumapos sa fifth sa 25-man field.

Nanguna si Olivia Reeves ng USA sa World Cup event na may impresibong 268kg outing, kasunod sina China’s Guifang Liao, North Korea’s Kuk Hyang Song, at Chinese Taipei’s Wen-Huei Chen.

Sa pag-qualify ni Sarno ay nasibak ang kanyang kababayang si Kristel Macrohon na sumabak din sa kaparehong weight class subalit bumuhat lamang ng kabuuang 233kg.

Ang IWF World Cup ay isa sa dalawang mandatory events para mag-qualify sa Paris Olympics — ang isa ay ang 2023 IWF World Championships sa Riyadh.

Si Sarno ang ikatlong weightlifter matapos nina John Ceniza at Elreen Ando na kakatawan sa Pilipinas sa weightlifting sa Paris.

Isa pang Filipina lifter, si Rosegie Ramos, ang kailangang maghintay para malaman ang kanyang qualification status makaraang tumapos sa 11th place matapos ang World Cup.

Ang iba pang Filipino athletes na nakakuha na ng puwesto sa Paris Olympics ay sina pole vaulter EJ Obiena; boxers Eumir Marcial, Nesthy Petecio at Aira Villegas; at gymnasts Carlos Yulo at Aleah Finnegan.