Overtime

SAN BEDA NAKAISA RIN SA NCAA WOMEN’S VOLLEYBALL

28 April 2025

SA WAKAS ay nakasungkit ng panalo ang San Beda University Lady Red Spikers sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament matapos ang 21-25, 25-23, 25-16, 25-13 pagdispatsa  sa San Sebastian College Lady Stags kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.

Hindi inalintana ni Angel Habacon ang injury sa tuhod upang magtala ng 25 puntos, kabilang ang 24 attacks at isang service ace, at akayin ang Lady Red Spikers sa unang panalo matapos ang10  sunod na semplang.

“’Yung positive vibes namin (sa court) parang sinabi na lang namin na ayaw naming magpa apekto sa mga nangyayari sa team off the court. Kapag laro talaga, laro lang ‘yung iniintindi namin,” ani Habacon.

“Ang gaan-gaan lang kasi wala na ‘yung burden, wala nang humihila sa amin, kaya ginawa lang namin ‘yung best namin, nage-enjoy kami, at naghihilahan kami pataas para kaming lahat nasa tuktok,” dagdag niya.

Ikinatuwa rin ni Lady Red Spikers interim head coach Joshua Noda ang kanilang unang tagumpay ngayong season dahil unti-unti nang lumalabas ang lahat ng pinaghihirapan ng kanyang tropa sa training.

“Actually, nakaka-overwhelm siya kasi nga first win. Sobrang tagal na talaga naming hinihintay na makuha ‘yung unang panalo. Luckily at nakuha namin siya against Baste,” ani Noda, tinapik na pumalit kay dating San Beda mentor Edgar Barroga.

“’Yung bagong system na itinuturo namin sa bata, kailangan ma-adapt talaga nila. Nung una medyo nahihirapan pa silang maka adapt, pero kita naman sa laro ngayon na unti unti nakukuha na nila,” dagdag niya.

Sa pagkatalo ay nahulog sa 6-5 kartada ang Lady Stags.

Noong Sabado ng gabi, magaan na dinispatsa ng Colegio de San Juan de Letran Lady Knights ang University of Perpetual Help Lady Altas, 27-25, 25-23, 25-21, upang sumosyo sa liderato na may 9-2 kartada. Laglag ang Lady Altas sa 7-4.

Nanguna sa opensa ng Lady Knights sina rookie Vanessa Sarie at Gia Marcel Maquilang na may tig-14 puntos, habang tumapos si rookie Verenicce Colendra na may 13puntos.

Sa men’s division, nalusutan ng University of Perpetual Help Altas (7-4) ang tangkang pag-ahon ng Colegio de San Juan de Letran Knights (6-5) para sa 25-20, 25-17, 14-25, 20-25, 15-9 panalo. Hataw si Jeff Marapoc sa kinamadang 28 puntos para sa Altas.

Pinataob naman ng San Sebastian College Golden Stags (3-8) ang San Beda University Red Spikers (6-5), 25-23, 25-18, 17-25, 25-19. Nanguna si Joshua Espenida para sa Baste na may 20 puntos.