Overtime

SAN BEDA ANGAT SA 3-0 SA NCAA WOMEN’S VOLLEY

1 February 2026

NANATILING walang talo ang San Beda University Lady Red Spikers makaraang walisin ang Arellano University Lady Chiefs, 26-24, 25-23, 25-22, sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.

Kumamada si Angel Mae Habacon  ng 21 puntos, nagdagdag si Janelle Bachar ng 13 puntos, at umiskor  si Jeliane Catubig ng 12 para sa  Lady Red Spikers  na umangat sa 3-0 kartada sa Group B.

Bumagsak naman ang Arellano sa 1-2 sa kabila ng 14 puntos ni Laika Tudlasan at 12 ni Crisanta Servidad.

Sa aksiyon sa Group A, naitarak ng Mapua University Lady Cardinals ang ikalawang sunod na panalo matapos na gapiin ang Jose Rizal University Lady Bombers, 25-15, 29-27, 21-25, 25-22.

Umiskor si Raissa Ricablanca ng 28 puntos upang pangunahan ang Mapua, habang nagdagdag si Alexander Leabres ng 20.

Maayos na pinatakbo ni Angellick Gavica ang opensa matapos magtala ng 23 excellent sets. Umangat ang Lady Cardinals sa 2-1 rekord.

Nanatiling walang panalo ang Lady Bombers sa 0-3 sa kabila ng tig-19 puntos nina Nicole Deala at Czarina Ramos.