PVL: SOLAR SPIKERS NAKAISA
DINISPATSA ng Capital1 ang Nxled, 21-25, 25-21, 25-15, 25-18, para sa kanilang unang panalo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kagabi sa Philsports Arena.
Mga laro sa Martes:
(Smart Araneta Coliseum)
4 p.m. – PLDT vs Chery Tiggo
6:30 p.m. – Choco Mucho vs Creamline
DINISPATSA ng Capital1 ang Nxled, 21-25, 25-21, 25-15, 25-18, para sa kanilang unang panalo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kagabi sa Philsports Arena.
Nagbuhos si Heather Guino-o ng 21 points, na sinamahan ng 7 digs at 6 receptions habang napanatili ni rookie Leila Cruz ang kanyang solid play na may 17 points, kabilang ang 2 blocks, para sa Solar Spikers.
Ito ang breakthrough win ng Capital1 matapos ang tatlong sunod na talo.
Gumawa si setter Iris Tolenada ng 16 excellent sets at umiskor ng 5 points habang nakakolekta si libero Roma Mae Doromal ng 10 digs para sa Solar Spikers.
Nahaharap sa 14-20 deficit sa second set, sumandal ang Capital1 kay second setter May Macatuno at inagaw ang kalamangan sa 22-20 tungo sa pagtabla sa laro.
Pagkatapos ay nagpakita ang Solar Spikers ng katatagan sa sumunod na dalawang sets upang ipalasap sa Chameleons ang kanilang ika-4 na sunod na talo.
“Siguro nabuhay ang loob nila. Sinasabi ko lang kasi sa mga player okay lang masaya kayo, pero huwag ninyong palalampasin sa ulo ninyo. Kasi pag lumampas mag-ooverconfident kayo, hindi pa naman kami nananalo. Kailangan namin itong panalong ito,” sabi ni Capital1 coach Roger Gorayeb.