PBA STARS BIBIDA SA GILAS SA FIBA 3×3 ASIA CUP
BUBUUIN ng kombinasyon ng mga propesyonal na manlalaro at isang collegiate standout ang Gilas Pilipinas 3×3 na sasabak sa 2026 FIBA 3×3 Asia Cup mula Abril 1 hanggang 5 sa Singapore.
Inihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na pangungunahan nina Jerrick Ahanmisi ng Terrafirma Dyip, Ralph Cu ng Barangay Ginebra San Miguel Kings, at Chris Koon ng Magnolia Chicken Timplados Hotshots ang pambansang koponan, kasama si University of the Philippines Fighting Maroons center Sean Alter.
Nagpasalamat si SBP executive director Erika Dy sa pamunuan ng PBA at UAAP sa pagpapahintulot sa kanilang mga manlalaro na kumatawan sa bansa.
“We thank the leadership of the PBA and UAAP for allowing their players to represent the country in the FIBA 3×3 Asia Cup. 3×3 Program Director Ryan Gregorio and the team’s coaching staff selected a training pool, and they were all made available to join Gilas,” ani Dy.
“We know it really takes a community to build a strong team, and we’re very happy to get the commitment of many individuals who showed up for our team’s practices to share their knowledge and experience,” dagdag pa niya.
Magsisimula ang kampanya ng Gilas sa qualifying draw kung saan makakaharap nito ang Thailand at Maldives para sa tsansang makapasok sa main draw.
Isang koponan mula sa bawat apat na qualifying groups ang uusad sa group stage, kung saan makakasama ang top-seeded Mongolia at iba pang malalakas na bansa tulad ng China, Japan, New Zealand, Qatar, Singapore, Australia, at Chinese Taipei.
Ang mangungunang dalawang koponan sa bawat grupo sa main draw ay aabante sa quarterfinals.
Bilang paghahanda, makakasama sa ensayo ng koponan sina Joseph Eriobu, Javi Gomez de Liaño, Dom Fajardo, at Robbie Herndon, habang gagabayan naman ng coaching staff na binubuo nina Kirk Collier, Patrick Fran, at JJ Espanola ang Gilas Pilipinas.