Overtime

PASIG ABOT-KAMAY NA ANG OVERALL CROWN SA 2024 BATANG PINOY

PUERTO PRINCESA – Abot-kamay na ng Pasig City ang unang pangkalahatang korona sa ginaganap dito na 2024 Batang Pinoy National Championships.

29 November 2024

PUERTO PRINCESA – Abot-kamay na ng Pasig City ang unang pangkalahatang korona sa ginaganap dito na 2024 Batang Pinoy National Championships.

Hanggang press time, ang Pasig ay nangunguna na may 89 golds, 54 silvers at 95 bronzes. Naiwan ang Baguio City sa pangalawang puwesto na may 65 golds, 55 silvers, at 60 bronzes. Pangatlo ang Quezon City (54-40-47), pang-apat ang Davao City (35-35-29) at panlima naman ang Cebu City na may 28-35-30.

Ang kampeon ay mag-uuwi ng P5 milyon, habang ang 2nd placer ay P4-milyon; 3rd placer,  P3 milyon; 4th placer, P2 milyon; at 5th placer, P1 milyon.

Samantala, itinanghal si Pi Durden Forward Wangkay ng City of Biñan at ang tatlong iba pa na mga pinakamabilis na kabataang atleta sa pagwawagi nito ng gintong medalya at pagtala ng bagong athletics record sa 100m run sa huling araw ng kumpetisyon.

Naitala ni Wangkay ang bagong meet record na 10.88s sa tampok na century dash upang angkinin ang kanyang unang gintong medalya ngayong edisyon bagaman ikalawa niyang record sa multi-sports na kompetisyon matapos na magwagi sa 400m event noong 2022 sa Vigan City, Ilocos Sur.

Iniuwi naman nina Samantha Martinez ng Davao Del Norte ang ginto sa girls U16 100m dash (12.6s), Angel Villagracia ng Capiz (12.74s) sa women’s U18 at Elreb Taduran ng City of Quezon (11.08s) sa Under-18 men’s 100 dash upang tanghaling pinakamabibilis na mga atleta sa torneo.

Hindi naman nagpaiwan ang host city na Puerto Princesa matapos magwagi si Ken Lucero sa boys jump Under 18 sa tinalon nitong 6.66 metro na kabilang din sa mga bagong naitalang record sa torneo.

Nagtala rin sina Jerico Cadag ng City of Dasmariñas ng bagong record sa 2,000m steeplechase (6:09.35m) at John Clinton Abetong sa U18 200m, Jazniere Butg ng Benguet sa Boys U18 Javelin Throw, Eric Joachim Hechanova ng Pangasinan sa boys 5,000m (15:57.24m), at Angel Villagraca ng Capiz sa women U18 100m hurdles (14.63s).

Hindi naman napigilan si Albert Jose Amaro II na angkinin ang pangatlong bagong record sa pagwawagi sa Boys 16-17 200m freestyle sa mabilis na 1:57.04 oras. Tinabunan nito ang dating meet record na 1:59.94 na naitala ni Paolo Miguel Labanon ng Davao City noong Disyembre 12, 2023.

Nagtala rin si Catherine Cruz ng Mabalacat City ng record sa 100-m backstroke sa oras na1.08.32 na binura ang dating record ni Ishaelle Mae Villa (1:09:15s). Ang 16-anyos na si Cruz ay winasak din ang dating record ni Mikaela Talosig (2:29.61) sa 200-m breaststroke sa pagposte ng 1:06.78.

Nagawa rin ni Jaime Uandorr Maniago ng Quezon City na itala ang ikalawang record sa Boys 16-17 50m Breaststroke sa pagbura sa 30.64s na itinala ni Morie Pabalan ng Pasig City noong nakaraang taon sa pagsumite ng mabilis na 30.50 oras.

Nag-ambag din ng bagong record sa Girls 16-17 50m Breaststroke si Arabella Nadeen Taguinota ng Pasig City sa kanyang 34.67 segundo na tiyempo sa pagbura sa dating record na 34.95 ni Beatrize Maria Mabalay ng Sorsogon.

Itinanghal si Arvin Naeem Taguinota II ng Pasig City na may pinakamaraming ginto sa pagwawagi sa kanyang ikaanim sa Boys 12-13 4x50m Medley Relay sa oras 2:03.69 minuto kasama sina Charles Ezekiel Canlas,  Jefferson Saburlase, at Marcelino Picardal III.